By Lolitz Estrellado February 1, 2020 Ang urgent meeting ay pinangunahan ni PDRRMC Chairperson, Governor DoDo Mandanas, kasama si 3rd D...
February 1, 2020
Ang urgent meeting ay pinangunahan ni PDRRMC Chairperson, Governor DoDo Mandanas, kasama si 3rd District Board Member, Atty. Jhoanna Villamor-Corona, na Chairperson ng Committee on Appropriations ng Sangguniang Panlalawigan, at dinaluhan ng mga Local Chief Executives at Disaster Risk Reduction and Management Officers mula sa mga lungsod at munisipalidad ng Batangas. Kasama rin dito ang mga kinatawan ng mga National Line Agencies, mga kabalikat ng pamahalaang lokal sa iba’t ibang sector, at mga department heads ng pamahalaang panlalawigan. (BATANGAS PIO) |
BATANGAS CITY - Tahimik na at mapayapa na ang Bulkang Taal. Kung magpapatuloy umano ang paghupa nito ay posible nang ibaba sa Alert Level 2 ang statue nito, ayon sa Philippine Volcanology and Seismology (PHIVOS).
Ipinaliwanag ni PHIVOCS Director Renato Solidum na dalawang (2) linggong oobserbahan ang Taal Volcano at kapag bumaba na ang parameters ay maaari nang ilagay na lamang sa Alert Level No. 2 na habang sinusulat ang balitang ito ay naka-Alert Level No. 3 pa rin.
"Ang stand down procedure po namin sa pagbababa ng alerto ay within two weeks po nating babantayan. Pwede nating mapaiksi iyan kung talagang tiyak na tiyak na at dire-diretson pababa 'yung mga status ng ating mga binabantayang parametro," paliwanag ni Solidum.
Ang pagbababa ng Alert Level No. 3 mula sa dating Alert Level No. 4 ay inihayag matapos ang isang press conference na ginanap sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council operation center sa Batangas City kung saan binasa ni PHIVOCS resident volcanologist Paolo Reniva ang 2-pahinang DOST-PHIVOCS notice na ikinatuwa ng mga alkalde at iba pang local officials.
Ang lockdown status ay inalis na rin sa mga bayan ng ating Alitagtag, Balete, Cuenca, Lemery, Lipa City, Malvar, Mataasnakahoy, San Nicolas, Sta. Teresita, Taal, Talisay at Tanauan City.
Ang Laurel at Agoncillo ay nananatiling naka-lockdown.
Pinayagan na ni Governor Hermilando Mandanas na bumalik na ang mga residente sa kani-kanilang tahanan sa mga bayang inalis na sa lockdown status.
"Residents of all towns under lockdown status except Laurel and Agoncillo, have the option to return to their respective recidenes. The Mayors now have the prerogative to allow their constituents to go inside their barangays based on their area assessment," dagdag na pahayag ng gobernador na aniya pa ay sumusunod lamang siya sa direktiba ng PHIVOCS sa pagbubukas ng lockdown areas, ngunit nasa lokal na pinuno pa rin ang pinal na desisyon.
Ang mga kaganapang ito ay naghatid ng saya at kagalakan hindi lamang sa mga residente, kundi higit ay sa mga alkalde ng iba't ibang bayan at lunsod.
Pare-parehong nagpahayag ng katuwaan at pasasalamat sina Mayors Gerry Natanauan (Talisay), Angeline Halili (Tanauan City), Faye Endaya Barretto (Cuenca), Dingdong Ponggos (Alitagtag), Mayor Pong Mercado (Taal), at Mayor Jannet Magpantay Ilagan ng Mataasnakahoy.
Ayon kay Halili, "We can breathe easy now because I know our citizens will be happy to go back to their homes. I have requested that electricity and water supply be returned to the areas formerly included in the lockdown."
Sa kabila nito, patuloy pa ring pinaaalalahanan ng PHIVOCS ang mga residente na maging vigilant, alerto at laging handa para sa isang organisadong paglikas, at pagbabawal sa pagpasok sa isla ng bulkan na idineklara nang "permanent danger zone," ganoon din sa Lawa ng Taal at sa mga komunidad na sakop ng 7-metrong radius mula sa main crater.
Sa pagbaba ng Alert Level, pinayuhan din ang lahat na mag-focus sa rehabilitasyon.
No comments