Editorial March 7, 2020 Dahil sa sunod-sunod na kalamidad na dala ng mga nakalipas na bagyo, lindol, pagputok ng bulkang Taal, mara...
March 7, 2020
Dahil sa sunod-sunod na kalamidad na dala ng mga nakalipas na bagyo, lindol, pagputok ng bulkang Taal, marami pa rin ang hindi makabangon, may mga nananatili pa rin sa evacuation centers at nakakahabag ang kalagayan. Subalit tulad ng mga nakalipas na panahon, hindi naman nagpabaya ang mga may kakayahang tumulong at patuloy na nagsisikap na maiahon ang mga nasalanta.
Dagsa ang mga tulong na bumuhos para sa mga naging biktima, “nakakatouch” o nakakaantig ng damdamin, sabi nga ang mga naging kaganapan, na muli ay nagtanghal sa bantog na katangian ng tradisyong pinoy-ang BAYANIHAN. At hindi lamang naman mga kapuwa Pilipino ang nagkusang tumulong, kundi pati mga taga-ibang lugar kung kaya nga nakakatuwang makita. Ang bumubuhos na relief assistance at ang pagkakaisa ng marami na nagkukusang dumamay at maghandog ng tulong. Masarap talaga sa pakiramdam na makitang nagtutulungan ang mga magkakababayan.
Artista, Pulitiko, Negosyante, Tindero at Tindera sa bangketa, Estudyante, Sundalo, Pulis at mismong ang mga nabiktima ng kalamidad na nasa evacuation centers ay tumutulong na rin upang maibalik sa normal ang sitwasyon. Bantog ang kanilang ginagawa sa buong mundo, at umaani ng paghanga at papuri, kaya maging mula sa ibang bansa ay may dumarating na mga tulong. Ang bawat sentimo at anumang bagay na dumarating sa operation o relief center ay nakatala, duly accounted for at dapat itong unawain upang hindi pagdudahan o paghanapan, kaya nga oras-oras ay nakaflash sa television screens at sa pangmukang pahina ng mga pahayagan.
Sa kabila nito, mayroon pa ring ilang walang magawa sa buhay na sa halip matuwa, ay nilalagyan pa ng malisya ang pagtulong ng mga kilalang personalidad. Sana, tumahimik na lang sila. Ang hindi nila alam, marami rin ang tumutulong nang tahimik lamang, hindi nakikita sa telebisyon o sa dyaryo ang kanilang ginagawa. Lumusong sa baha,nagpakabasa sa ulan upang ilikas ang kapitbahay na inanod ang tirahan; mga tauhan ng DSWD na hindi office hours ay nagtatrabaho 24-oras para tumulong; mga volunteers na pati mga alagang hayop ay sinikap na balikan at iligtas mula sa ashfall at mga pagyanig; mga iskwaters na kahit tuyo at kaning-lamig ay hinati para ibigay sa kapwa iskwaters na tulad naman nila ay nasalanta rin pero hanggang ngayon ay hindi naaabot ng tulong ng maiingay na namamahala sa mga relief operations; ang punog bayan at lokal na opisyales na kumikilos at namumuno sa pagsasaayos ng mga biktimang nasasakupan na dahil walang kasu-kasunod na mga camera habang tumutulong ay hindi nakikita sa mga telebisyon, at inaakusahan pang nagpapabaya.
Ang mga walang imik at tahimik na tumutulong sa tungkulin ang mga tunay na bayani, bukal ang pagtulong, may malasakit sa kapwa at hindi naghahabol ng publisidad. May mga tumutulong upang itaas lamang ang kanilang sarili at lalong ipamata ang kalunos-lunos at kaawa-awang kalagayan ng mga nasalanta. Insulto sa pagkatao na idinagdag sa sakit na dulot ng kalamidad, nagpapatingkad sa malawak na pagitan ng mahirap at mayaman. “Kaya ako naghihirap dahil sa katutulong sa kamag-anak at kapwa.” “Kaya ako tumutulong para hindi ako magdanas ng sakit at hirap” May mga ganitong uri ng mga taong madali namang ibukod sa mga tunay na may compassion sa kapuwa. ALIN KA DITO, KABAYAN?
No comments