By PIO-Lucena/ M.A. Minor March 7, 2020 LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Taas-noo at may pusong inirepresenta ni Konsehal Sunshine Abcede-Lla...
M.A. Minor
March 7, 2020
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Taas-noo at may pusong inirepresenta ni Konsehal Sunshine Abcede-Llaga ang lungsod ng Lucena sa ginanap na Angat Bayi Political Empowerment for elected women leaders kamakailan.
Dito ay sumailalim si Llaga kasama ng iba pang women leaders mula sa iba’t ibang bayan at lalawigan sa Pilipinas, sa isang intensive at exclusive leadership courses hatid ng mga eksperto mula sa larangan ng akademya at pamamahala.
Kasama ang ilang kapwa konsehal, punong lungsod, bise-alkalde at board members ng ilang lalawigan sa bansa, ay sama-sama nilang tinalakay at inilahad ang ilang mga Gawain at maaaring programa na makakatulong sa mas pagpapaangat pa at magbibigay suporta sa mga kasalukuyang kababaihang nagseserbisyo sa publiko sa lungsod man o munisipalidad.
Bukod dito, pinag-usapan din ang mga usapin hinggil sa pagkakaroon ng feminist leadership at right based and democratic governance. Sa kabilang banda, malaki ang pasasalamat ni Llaga sa pagkakapili sa kaniya bilang isa sa mga naging kalahok.
Aniya, isang malaking karangalan na mapasama siya sa 15 fellows mula sa buong Pilipinas kung kaya’t makakaasa umano ang lungsod ng Lucena na nakahanda siyang taglayin ang katangian ng isang epektibong babaeng mamamahala ayon na din sa naging diskusyon nila sa ginanap na pagsasanay.
Layunin din kasi ng aktibidad matulungan ang women leaders sa pagpapatupad sa kani-kanilang pinamumunuan ng mga programang nakababa sa lahat ng mamamayan anumang sektor ang kinabibilangan, may pantay na pakikitungo at karapatan. Gayundin ang isang gender-responsive, participatory, at inclusive and sustainable development agenda.
Ang Angat Bayi Political Empowerment for elected women leaders ay programang hatid ng University of the Philippines Centre for Women’s and gender studies foundation Inc. Katulong din sa pagsasakatuparan ng aktibidad ang Office of the Vice President’s Angat Buhay Women Program and at ang Canada Embassy in the Philippines’ Canada Fund for Local Initiatives.
No comments