By Rachel Joy Gabrido March 14, 2020 Pinangunahan ni Los Baños Municipal Health Officer Dr. Alvin Isidoro ang emergency meeting ng lo...
March 14, 2020
Pinangunahan ni Los Baños Municipal Health Officer Dr. Alvin Isidoro ang emergency meeting ng lokal na pamahalaan kaugnay ng paghahanda laban sa banta ng COVID-19. |
CALAMBA CITY, Laguna – Nagbigay-paalala ang Los Baños MHO patungkol sa COVID-19 nang isagawa ang lingguhang Flag Ceremony ng lokal na pamahalaan noong ika-9 ng Marso 2020.
Ang Los Baños Municipal Health Office (MHO), sa pamamagitan ni Muncipal Health Officer Dr. Alvin Isidoro, ay nagbigay ng mga paalala sa mga empleyado ng naturang lokal na pamahalaan kaugnay ng banta ng Coronavirus Disease o COVID-19 at pagbababa ng Code Red Sublevel 1 nitong biyernes, ika-6 ng Marso.
“Ito po ay nangangahulugan lang po na tayo ay hinihikayat nang mas matinding pag-iingat sa COVID-19 infection,” paliwanag ni Dr. Isidoro kaugnay ng pagbababa ng Code Red.
Hinihikayat ng MHO ang lahat na iwasan na muna ang pakikipagkamay at pakikipagbeso at panatilihin ang tinatawag na social distance.
“Ibig sabihin po kung makikipag-usap po tayo, kung maaari po ay 1 meter o 1.5 meters apart.”
Muli ring ipinaalala ni Dr. Isidoro ang kahalagahan ng palagiang paghuhugas ng kamay at paggamit ng hand sanitizer.
“Kung maiiwasan po ay huwag na po muna tayong pumunta sa mga social event, mga gathering at pag-organize ng mga event.”
Para naman sa mga may sakit o trangkaso, pinakikiusapan ang mga ito na manatili sa bahay, magpahinga, at huwag muna pumasok para iwasang makahawa sa iba.
Iyong mga may mga kamag-anak o kakilala naman na umuwi mula sa mga bansang mayroong COVID infection, ipinaliwanag ng MHO na hindi kailangang dalhin nang agaran sa health center o ospital lalo na kung wala naman silang nararamdaman.
“Sila po ay kailangan lang mag-quarantine for 14 days… ngayon kung sila po ay mag-dedevelop ng respiratory symptoms (gaya nang) inuubo, lagnat o sipon, hindi rin po nila kaagad kailangan pumunta sa health center o kaya sa ospital,” sinabi pa nito.
Hinihikayat ang mga balik-bayan na may sintomas na tumawag muna sa center o sa ospital na pupuntahan nang sa gayon ay hindi kumalat ang impeksyon. Sa pamamagitan nito ay maiiwasang sila ay makasalamuha ng mga tao sa mga pampublikong sasakyan kung sakaling sila ay bibiyahe lamang patungo sa health center o ospital.
Samantala, ang mga health workers naman ay makakapag-sagawa ng mga precautionary measures at makakapag-suot ng mga protective gear sa kanilang pagharap at pag-aasikaso sa mga pasyenteng ito na hinihinalang may COVID-19.
Para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 aniya’y dapat maging responsible ang bawat mamamayan.
Ayon sa datos, 85 porsiyento ng mga kaso ng COVID ay mild infection lamang at 15 porsiyento ang tinatawag na severe case na nangangailangan ng hospitalisasyon. Gayunpaman, ang lahat ay pinakikiusapang tumalima sa mga naturang paalala ng Los Baños MHO at mga ahensyang pangkalusugan particular ng Department of Health (DOH) upang maging ligtas mula sa virus.
Kaugnay nito, nagsagawa na ang Lokal na Pamahalaan ng Los Baños at MHO ng isang emergency meeting bilang paghahanda sa posibleng pagkakaroon ng COVID outbreak sa kanilang bayan. (Joy Gabrido/PIA4A)
No comments