By Lolitz Estrellado March 7, 2020 Sto. Tomas City – ang taunang pagdiriwang ng isang linggong MAHAGUYOG FESTIVAL sa lunsod na ito a...
By Lolitz Estrellado
March 7, 2020
Sto. Tomas City – ang taunang pagdiriwang ng isang linggong MAHAGUYOG FESTIVAL sa lunsod na ito ay ipinagpaliban dahil sa mapanganib na Corona Virus Disease 19 (COVID-19) at para mapangalagaan ang kaligtasan ng mga Tomasino.
Ayon kay City Mayor Edna Sanches, ang desisyon para sa postponement ng Mahaguyog Festival 2020 na nagsimula noong Sabado, Pebrero 29, ay bilang pagtalima sa panukala o rekomendasyon ng Festival Organizing Committee na pinamunuan nina City Councilors Renante Arcillas at Christopher Boy Ramos, upang maiwasan ang posibleng pagkalat ng coronavirus disease 19 o COVID-19. Ang Mahaguyog Festival na pinagdarayo, hindi lamang ng mga Batangueños, kundi maging ng mga taga-kalapit na probinsya at mga banyagang turista, ay nagtatanghal ng mga produktong agrikultura. Ang salitang Mahaguyog ay pinagsama-sama at pinaiksing Mais, Halaman, Gulay at Niyog.
Kabilang sa mga aktibidades na tampok sa taunang festival ay trade fairs, concerts, cultural shows, beauty contest at street dancing. Umaasa si Mayor Sanchez na magiging normal din ang sitwasyon kaugnay ng Coronavirus disease 19 at posibleng isagawa ang pagdiriwang ng Mahaguyog Festival kasabay ng selebrasyon ng unang anibersaryo ng cityhood o pagkakatatag bilang isang lunsod ng Sto. Tomas sa Setyembre 2020. Sa kahiwalay na panayam naman kay City Vice Mayor Armenius Silva, binigyang-diin nito na ang postponement ay pansamantala lamang, at ito naman ay para sa kabutihan ng kanyang mga kababayan, para maproteksyunan sila laban sa COVID-19.
At ayon pa sa masipag at magaling na City Vice Mayor, kung ipinagpaliban man ang taunang pestibal, ay tuloy-tuloy naman ang pagbibigay ng mga pangunahing serbisyo ng pamahalaang panglunsod, at ganoon din ang mga proyekto at programang pangkaunlaran at pagtulong sa lahat ng mga tomasino. Sinabi rin ni VM Silva na sa darating na Setyembre ay isang taon na ang pagiging lunsod ng Sto. Tomas, at masayang ipagdiriwang nila ang unang anibersaryo ng cityhood nito.
“More likely, isabay natin dito ang Mahaguyog Festival, mas masaya ang magiging selebrasyon. Natutuwa naman kami na maayos ang lahat dito sa Sto. Tomas City, patuloy na pumapasok ang mga investors, at nakikita naman ang patuloy na konstruksyon ng mga kinakailangang imprastraktura,” dagdag na pahayag nito. Ipinaliwanag din ni VM Silva na sa pamumuno ni Mayor Sanchez, sa suporta ng Sangguniang Panglunsod at nga mga hepe at empleyado ng iba’t-ibang tanggapan, gayundin ng mga lider ng iba’t-ibang barangay at ng mismong mga Tomasino, patuloy na tinututukan at naisasagawa ang mga programang makakatulong sa pag-aangat ng kabuhayan nila, ganoon din sa larangan ng edukasyon, kalusugan, kaayusan at kapayapaan ng lunsod kalinisan, pangangalaga ng kapaligiran at likas na yaman, turismo, industriya at iba pa.
Nagpaabot din ng kanyang pasasalamat ang butihing vice mayor sa kanyang mga kababayan na patuloy na nakikiisa at sumusuporta sa kanilang pamamahala, at sa kanilang pagiging peace loving at sumusunod sa batas.
No comments