By Lolitz Estrellado March 21, 2020 Lipa City Mayor Eric B. Africa Lipa City - Puspusan nang ipinatutupad ang LUZON LOCKDOWN simu...
March 21, 2020
Lipa City Mayor Eric B. Africa |
Lipa City - Puspusan nang ipinatutupad ang LUZON LOCKDOWN simula pa noong nakalipas na Martes, Marso 17 kasunod ng deklarasyon ng Philippine National Police (PNP) ng full alert status sa National Capitol Region (NCR) Police Office, at maging sa Police Regional Office sa Region III (Central Luzon), Region IV-A CALABARZON (Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon), Region IV-B MIMAROPA (Mindoro-Marinduque-Romblon-Palawan), at Region V Bicol Region kaugnay sa Code Red Sub-Level 2 sa bansa dahil sa banta ng 2019 coronavirus disease (COVID-19) noong Marso 13.
Kasabay ng pagpapapatupad ng Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon, walang pinapayagang bumiyaheng mga jeep, tricycle, bus, at iba ipa; walang pasok sa lahat ng mga pampubliko at pribadong tanggapan, maliban sa mga health at medical centers na may mahigpit namang protocol na sinusunod; bawal lumabas ng bahay lalo na ang bata at senior citizens; at marami pang bawal. Sarado rin ang mga tindahan, grocery stores, malls at iba pa. Ang Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Health (DOH) at ang PNP ay nakikiusap sa lahat ng makipagtulungan at sumunod sa mga pinaiiral na patakaran sa gitna ng COVID-19 crisis.
"Ito po ay para sa kabutihan nating lahat. Kooperasyon lang po ang kailangan. Magtulungan po tayo at labanan ang COVID-19. Magdasal po tayong lahat na maligtas sa sakit na ito sa pamamagitan ng pagpapapala ng Diyos. Malalamapasan din po natin ito," pahayag naman ni Lipa City Mayor Eric B. Africa sa isang sectoral emergency meeting na ginanap noong Biyernes, Marso 13, 2020 sa City Hall.
Sinabi ni Africa na ang lahat ng nakapagplanong aktibidades sa lunsod ay kinansela na. Mayroon na ring nakaantabay sa Barangay Emergency Response Team (BERT) sa bawat barangay.
Binanggit din ni Africa na walang problema sa budget ang Lipa.
"Kayang-kaya ng Lipa ang mga pangangailangan. May regular fund po ang ating LGU at hindi tayo umaasa sa ibang sources. Ang problema, wala nang mabilhan tulad ng alcohol, lysol, sanitizer, at iba pang," ayon pa sa kanya.
Namahagi rin ang Lipa LGU ng alcohol, lysol, walis, sabon at iba pang gamit na panglinis sa iba't ibang sektor na dumalo sa nasabing pulong.
Araw-araw ay magsasagawa ng disinfection at sanitation o paglilinis sa lahat ng pampublikong lugar sa lunsod.
Ang ospital ng Lipa ay hindi umano makatanggap ng COVID-19 patients sapagkat mababa diumano ang level nito.
"Para sa ating mga kababayan, magtulungan po tayo. Ang entries at movement ng mga tao sa Lipa ay lilimitahan, kaya ako po ay nakikiusap sa lahat ng kooperasyon. Mag-ingat po tayo, sumunod sa mga advisories, manatili na lang sa bahay. Ang gusto natin, magkaroon ng sustainability sa solusyon, hindi isang bugso lamang," panawagan pa ni Africa sa lahat ng Lipeño.
No comments