By PIO-Lucena/ M.A. Minor March 7, 2020 LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Upang maitampok ang ipinagmamalaking talento at husay ng mga Lucenah...
M.A. Minor
March 7, 2020
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Upang maitampok ang ipinagmamalaking talento at husay ng mga Lucenahin pagdating sa likhang sining, ito ang isa sa layunin ng isinagawa kamakailan na Mini Arts Exhibit sa pangunguna ng tanggapan ng Lucena Council for Culture and the Arts o LCCA.
Ginanap ang naturang aktibidad sa Dalubhasaan ng Lungsod ng Lucena kung saan nagtipon-tipon at nakiisa ang mga estudyante ng naturang paaralan sa pagsasakatuparan ng programa.
Ang nasabing exhibit ay inorganisa ng LCCA sa pamumuno ni Dr. Luzviminda Calzado katuwang ang DLL sa pamumuno ni Dr. Mercedita Torres.
Kabilang naman sa mga guest artists na nagdisplay ng kani-kanilang sariling likha na mga pinta ay sina Artemio Bermido Jr., Christopher Fernnadez, Rafaella Dala at Rey Lopez, pawang mga Lucenahin na patuloy ang pamamayagpag sa larangan ng pagpinta.
Bukod naman sa kanilang mga paintings, ibinida din sa exhibit ang mga likha ng ilang mag-aaral ng DLL na may kursong BS Accountancy at BS Public Administration na sa kasalukuyan ay mayroong subject na Art Appreciation.
Samantala, nagpakitang gilas din ang Hiyas Kalilayan Cultural Group sa pamamagitan ng isang pampasiglang bilang, isang patunay pa rin ng mayabong na talent ng mga Lucenahin.
Isa din sa naging parte ng programa ay ang pagpapalabas ng dokyumentaryo na gawa ng mga mag-aaral mula sa Sacred Heart College, at isang documentary film mula sa National Commission for Culture and the Arts o NCCA.
Bilang pagtatapos naman, nagkaroon ng cultural dance workshop sa tulong ng ilang guro at propesor mula sa ilang paaralan sa lungsod.
Ang mga nabanggit na Gawain ay isa lamang sa mga idinaos na programa ng LCCA bilang pakikiisa sa selebrasyon ng 29th National Arts Month ngayong taon na may temang “Ani ng Sining”.
No comments