By PIA 4 April 23, 2020 Patuloy ang pagbibigay ng relief goods ng pamahalaang lungsod ng Antipolo sa mga residente ng siyudad upang maka...
April 23, 2020
Patuloy ang pagbibigay ng relief goods ng pamahalaang lungsod ng Antipolo sa mga residente ng siyudad upang makatulong sa pang-araw araw pagkain habang nasa ilalim ng enhanced community quarantine ang buong Luzon. (Larawan mula sa Jun-Andeng Ynares official FB Page.)
LUNGSOD NG CALAMBA, Laguna, Abril 21 (PIA) --Ang lungsod ng Antipolo na ang may pinakamataas na bilang ng coronavirus disease (COVID)-19 positive patients habang nanatili namang COVID-19 free ang bayan ng Pililla base sa pinakabagong ulat ng pamahalaang panlalawigan ng Rizal, alas-10 ng gabi, Abril 20.
Ayon sa talaan, nasa 87 na ang kabuuang bilang ng COVID-19 positive patients sa Antipolo City, kasunod ang Cainta 82, Binangonan 35, Taytay 32, San Mateo 20, Rodriguez 14, Teresa 10, Angono 9, Cardona 5, Morong 4, Baras 3, Jalajala 2, at Tanay 1 habang nananatiling walang naitatalang positibo sa COVID-19 sa bayan ng Pililla.
Kaugnay nito, lalo pang pinaigting ng pamahalaang lungsod ng Antipolo ang mga hakbang nito upang mapigilan ang patuloy na pagkalat ng coronavirus disease (COVID)-19 sa lungsod. Kabilang dito ang patuloy na kampanya na mapanatili ang mga residente sa kani-kanilang mga tahanan, patuloy na house to house distribution ng relief goods sa mga iba't ibang barangay, at pagtatakda ng mobile palengke schedule.
Nakipag-ugnayan na rin sa mga iba't ibang hotel ang pamahalaang lungsod upang magamit na pahingahan ng mga frontliners.
"Bukod sa Bosoboso Highlands, Cloud 9, Insider’s View, at Bosay, nag-alok na rin ng libreng hotel accommodation para sa mga medical frontliners ang First Pacific Leadership Academy, Gem’s Hotel at Haliday Apartelle," ayon kay Antipolo City Mayor Andrea Ynares. "Halos 220 bed spaces ang maaring gamiting pahingahan ng mga bayaning frontliners."
Umabot sa kabuuang bilang na 2,143 ang curfew violators at walang quarantine pass sa lungsod, 34 ang impounded tricycles, at 115 naman ang impounded motorcycles base sa datos ng Antipolo City Police Station. (Larawan mula sa Jun-Andeng Ynares official FB Page)
Samantala, base sa pinakahuling datos ng Antipolo City Police Station ng iba't ibang uri ng paglabag sa umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) na inilabas sa official Facebook Page ni Antipolo City Mayor Andrea Ynares noong Abril 19, umabot sa kabuuang bilang na 2,143 ang curfew violators at walang quarantine pass sa lungsod, 34 ang impounded tricycles, at 115 naman ang impounded motorcycles.
May 218 sa mga nahuling lumabag ang kasalukuyang nakakulong at nahaharap sa iba't ibang kaso at tuloy-tuloy ang kaso kahit matapos ang COVID-19 crisis, ayon kay Antipolo City Mayor Andrea Ynares. "Sinisiguro naman sa mga kapamilya ng mga nakasuhan na patuloy ang pag-supply ng makakain ng mga nakakulong sa araw-araw. Halos 700 ang bilang ng detainees sa PNP at nasa 1,800 detainees ang nasa City Jail."
"Ipag-dasal po natin na walang magka COVID-19 sa mga detainees. Wala pong social distancing sa kulungan. Puno at siksikan po sila kaya tayo ay kasalukuyang nagpapagawa ng mas malaking jail facility sa Cabading na sinimulan nitong Enero. Huwag na po tayo sanang makadagdag pa. Maraming salamat po!" paki-usap ni Antipolo Ciy Mayor Andrea Ynares sa mga residente ng lungsod. (CPGonzaga with reports from KG Gapayao/Antipolo City Mayor Andrea Ynares FB Page)
No comments