By Carlo P. Gonzaga April 17, 2020 LUNGSOD NG CALAMBA, Laguna — Patuloy ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa pangunguna ...
April 17, 2020
LUNGSOD NG CALAMBA, Laguna — Patuloy ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa pangunguna ng Fisheries Resource Protection Group (FRPG) sa pagsubaybay at pagpapatupad ng batas pangisdaan sa gitna ng pagsasailalim sa buong Luzon sa enhanced community quarantine laban sa coronavirus disease (COVID)-19.
Noong Abril 9, ang FRPG sa Perez, Quezon ay nagsagawa ng fish landing/market denial (pagsusuri ng mga isda kung huli sa putok) at pagsubaybay sa mga presyo ng isda sa Community Fish Landing Center (CFLC) at Poblacion 3 sa Alabat, Quezon.
Sa kanilang pagsusuri sa dalawa at kalahating “cooler” na may ibat-ibang uri ng isda, napatunayan na ito ay negatibo o hindi huli sa putok habang wala namang pagbabago sa mga presyo ng isda sa lugar.
Dagdag pa rito, ang FRPG-Perez ay nagsagawa rin ng fish landing denial at pagsubaybay sa mga presyo ng isda sa mga sumusunod na barangay: Villa Manzano Norte, Pinagtubigan, Mapagmahal, Bagong Silang, Pagkakaisa at Mainit Sur.
Maliban dito, nagsagawa din ang FRPG ng paglilipat ng mga kumpiskadong bangka mula sa Padre Burgos patungo sa bagong lagayan sa Barangay San Roque sa Sariaya. Ito ay mas malaking lugar para sa pagsasa-ayos at pangangalaga sa mga gamit ng mga mangigisda na kinumpiska dahil sa paglabag sa batas ng pangisdaan.
Kasama ang FRPG Central Office, ang FRPG ay nagsagawa din ng pagsubaybay ng mga presyo ng isda sa Mercado De Ciudad De Cavite Public Market, Cavite City.
Tuloy-tuloy din ang serbisyo ng FRPG skeletal work force sa pag-alalay sa mga nais magbayad ng mga administratibong multa gaya ng FB JHON JERO 1 at FB King JR 3 na lumabag sa Sec. 86 (Di-awtorisadong Pangingisda) at Sec. 93 (Paggamit ng pinong lambat) na nahuli ng grupo ng FRPG Sangley Point, Cavite City noong ika- 11 ng Marso, 2020 sa munisipal na katubigan ng Ternate, Cavite.
Ang BFAR at mangingisdang Pilipino sa panahon ng pagsubok ay patuloy ang paglilingkod upang tugunan at magkaroon ng patuloy na supply ng isda sa tamang pamamaraan. (CPGonzaga, PIA-4A with report from BFAR-4A FB Page)
No comments