By Nimfa Estrellado April 18, 2020 (Photo by Samuel Andre Mcdonald) Viral ngayon sa social media ang larawang kuha ng isang netiz...
April 18, 2020
Viral ngayon sa social media ang larawang kuha ng isang netizen na nagngangalang Samuel Andre Mcdonald, 56-year-old photographer, na magpapatunay na malinis ang hangin ngayon sa Kamaynilaan.
Ang mga windmills mula Pililla, sa Lalawigan ng Rizal ay malinaw na natatanaw ngayon mula sa Pasay City kahit higit 50 kilometro ang layo nito, bilang resulta ng isang maayos na lagay ng hangin at kapaligiran sa Kamaynilaan ngayon sa gitna ng Enhanced Community Quarantine sa Luzon.
Ayon kay Samuel, ang langit daw ay maliwanag sa araw na iyon kaya naisipan niyang kumuha ng litrato. Hindi niya akalain na matatanaw mula sa kinaroroonan niyang gusali sa Pasay ang sikat at kilalang windmills sa Pililla, Rizal.
Sabi sa kanyang caption: "COVID-19 Metro Manila lockdown Day 18.
"The air or atmosphere is so clean today—no smog, no air pollution.
"From the rooftop of our place in Pasay City, I can see a part of the Pililla Windmill Farm in Rizal province, which is roughly 50+ kilometers away."
Matatagpuan sa barangay ng Halayhayin sa Pililla, ang Rizal Wind Farm ang pinakabagong karagdagan sa listahan ng mga hotspots ng turismo sa loob ng malapit sa kabisera, dalawang oras lamang ang layo.
Sinabi niya na hindi niya inakala na magiging viral ang simpleng imahe na ito. Kinuha lang ang litrato at naibahagi sa Facebook.
Ini-upload ni Samuel ang litrato sa kanyang Facebook account na "Samuel Andre C. Mcdonald" noong April 1, 2020.
Ang orihinal na mga larawan ni Samuel na nagtatampok ng Pililla windmills ay kinunan gamit ang kanyang DSLR camera at lente habang siya ay nasa sa kanilang condominium sa F.B. Harrison Street, Pasay City, malapit sa dating gusali ng foreign affairs department at Cuneta Astrodome.
Subalit hindi maiiwasan, ang ibang mga netizen ay duda sa kuhang ito ni Samuel. Dahil malayo ang Rizal sa Pasay, mayroong mga nagsasabi na-edit lang daw siguro ito. Ngunit bilang pagpapatunay na hindi ito edited, nag-upload si Samuel ng aktuwal na video kung saan kita talaga ang windmills lalo na kapag naka-zoom ang camera.
Kinumpirma ng Environmental Management Bureau ng DENR na ang kalidad ng hangin sa mga pamayanan ng lunsod tulad ng mga lungsod ng Marikina, San Juan, Maynila, Taguig at Quezon ay maayos kumpara bago ang quarantine.
No comments