By Joy Gabirdo April 11, 2020 Pansamantalang sinuspinde ng pamahalaang bayan ng Pakil, Laguna ang kanilang free boat ride service para s...
April 11, 2020
Pansamantalang sinuspinde ng pamahalaang bayan ng Pakil, Laguna ang kanilang free boat ride service para sa mga residente nito dahil sa unang kaso ng COVID-19 na naitala sa bayang ito. (Larawan mula kay Mayor Vincent Soriano)
BAY, Laguna – Sinuspinde nang pansamantala ng Lokal na Pamahalaan ng Pakil ang Free Boat Ride Service nito dahil sa pagkakaroon ng unang kaso ng Coronavirus Disease o COVID-19 sa bayan.
Ayon kay Mayor Vincent Soriano, kinailangan na suspendihin muna ang libreng sakay sa bangka sa pagitan ng Silangan at Kanlurang Pakil na pinaghihiwalay ng Lawa ng Laguna, dahil ang pasyenteng nagpositibo ay naninirahan sa Brgy. Rizal na malapit sa daungan ng mga bangka sa ilalim ng programang nabanggit.
“Kung mag-negative yung wife noong nagpositive (na pasyente), resume na ulit. Iyong wife kasi ay doon mismo sa lugar kung saan bumababa at sumasakay ang mga pasahero, nagtratrabaho.”
Malaking tulong sa mga mamamayan ng Pakil ang naturang Free Boat Ride dahil nababawasan ang mga Pakilenyo na kailangan pang dumayo sa karatig bayan nitong Sinoloan o dumaan rito.
“Naglagay tayo ng Free Boat ride service sa pagitan ng Kanlurang Pakil at Silangang Pakil kung saan naroon ang Poblacion. Sa pamamagitan ng free boat ride service, pwedeng mamili ang mga taga Kanlurang Pakil sa mga grocery stores sa Poblacion, makapunta sa remittance center ng Palawan Express at makagamit ng ATM ng Landbank at Turumba Rural Bank. Di na nila tuloy kailangang pumunta rin ng Siniloan,” paliwanag ni Mayor Vincent Soriano.
Dagdag pa ng Alkalde, may ilan rin namang mga drugstore sa Poblacion na maaari ring mabilihan ng gamot ng mga taga-Kanluran.
“At siyempre ang mga taga-Silangan naman ay pwedeng mamili sa Kanlurang Pakil ng mga gulay, baboy, manok at iba pa gamit itong free boat ride service initiative natin. Inisip ko rin kung talagang magkahigpitan nang husto, kailangang secured ang source of food ng Poblacion rin sapagkat ang Kanlurang Pakil ay produktibo agricuturally.”
Nagtayo na rin ang Lokal na Pamahalaan ng Pakil ng pansamantalang Pamilihang Bayan sa Pakil Cockpit Arena na nasa Brgy. Kabulusan ng Kanlurang Pakil upang sa sariling bayan na lamang rin mamili ang mga mamamayan nito.
Mas pinaghigpit na aniya ng Sinoloan ang lockdown nito kaya naman mas mahirap na partikular para sa mga taga-Kanlurang Pakil na dumayo pa rito para mamili.
Ang Kanlurang Pakil ay binubuo ng Barangay Banilan, Kabulusan, Dorado, Casareal, Matikiw at Casinsin. Samantalang ang Silangan Pakil ay binubuo ng Poblacion (Barangay Baño, Burgos, Gonzales, Rizal, Taft at Tavera) at Brgy. Saray.
Bagaman at malaki ang naitutulong ng naturang programa ng lokal na pamahalaan, mas mahalaga aniya na masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan mula sa banta ng COVID-19. (Joy Gabrido)
No comments