By RMN Digital April 4, 2020 File photo from Facebook/Boyet Dizon - Da Man Who Cycled Da Pinas LIAN, BATANGAS – Dahil wala pang nadid...
April 4, 2020
File photo from Facebook/Boyet Dizon - Da Man Who Cycled Da Pinas
LIAN, BATANGAS – Dahil wala pang nadidiskubreng lunas ang mga dalubhasa kontra sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), may naisip na paraan ang alkalde sa naturang bayan para maiwasan ng pamayanan ang kinatatakutang sakit.
Kinumpirma ni Mayor Isagani Bolompo sa panayam ng “Dobol B sa News TV” ang balitang kumakalat na nagpapahid siya ng langis, o kung tawagin niya ay “heaven’s formula”, sa noo ng ilang residente.
“Kaya sinabi kong heaven’s formula, ang mga medicinal plants ang gumawa po niyan ay Panginoong Diyos katulad po ng coconut tree, kalamansi, luya, garlic. Lahat po iyan ay galing sa Diyos,” tugon ni Bolompo.
Ang sakap daw ng “heaven’s formula” ay isang pirasong bawang, isang basong langis, at mga buto ng calamansi.
Kapag napahiran na ang noo, kailangan daw na indibidwal na magdasal.
“Tatlong cross, Father, Son, Holy Spirit. Kung wala kayong COVID, ang sasabihin ‘In Jesus’ name protect from COVID.’ Kung may COVID naman po kayo, ‘In Jesus’ name healed from COVID,” dagdag pa niya.
Nilinaw ng alkalde na sumusunod siya sa physical distancing at walang nangyayaring pipilitan.
Isang metro raw ang haba ng kaniyang kamay at nirerespeto niya rin ang panuntunan ng pamahalaan tungkol sa pakikibaka sa COVID-19.
Mariin din niyang itinanggi ang alegasyong hindi makakakuha ng quarantine pass ang sinumang tatanggi sa ginagawa niya.
Bago maging opisyal sa lugar, nagtrabaho muna si Bolompo sa Department of Health nang dalawang dekada at nanilbihan bilang provincial health officer ng Batangas.
Sa datos ng DOH nitong Miyerkoles, Abril 1, pumalo na sa 34 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa probinsiya. Tatlo naman ang nasawi habang 262 ang bilang ng persons under investigation (PUI).
No comments