By Carlo P. Gonzaga April 4, 2020 Magpapatupad ng Odd-Even Market Schedule ang pamahalaang bayan ng Los Banos simula Abril 1, 2020 up...
April 4, 2020
Magpapatupad ng Odd-Even Market Schedule ang pamahalaang bayan ng Los Banos simula Abril 1, 2020 upang lalong maipatupad ang social distancing at mapigilan ang paglaganap ng nakakahawang coronavirus diseases (COVID)-19. (Larawan mula sa Municipal Government of Los Banos FB page.)
LUNGSOD NG CALAMBA, Laguna - Magpapatupad ng Odd-Even Market Schedule ang pamahalaang bayan ng Los Banos simula Abril 1, 2020 upang lalong maipatupad ang social distancing at mapigilan ang paglaganap ng nakakahawang coronavirus diseases (COVID)-19.
Sa ilalim ng Odd-Even Market Schedule, tuwing odd dates lamang maaaring makapamili sa Poblacion Public Market at Batong Malake Public Market ang mga residente ng mga sumusunod na mga barangay: Malinta, Baybayyin, Tadlac, Batong Malake, Anos, Bayog, at Tuntunghin-Putho.
Base sa Municipal Government of Los Banos FB page, sinabi ni Los Banos Mayor Caezar Perez na ayon sa naganap na meeting ng Inter-Agency Task Force, magsisimula ang pagpapatupad ng Odd-Even Market Schedule sa Abril 1, 2020.
Maliban sa Odd-Even Market Schedule, paiigtingin din ang pagbibigay ng Home Quarantine Pass (HQP) na ini-isyu ng mga iba't ibang barangay.
Ayon kay Mayor Perez, hindi na kikilalanin sa mga checkpoints sa bayan ang mga HQP na walang pangalan kung kanino ito ini-isyu.
Sa naganap na meeting, napag-usapan din na bawasan ang bilang ng araw ng pagkokolekta ng nabubulok na basura, ito ay tuwing Lunes, Miyerkules, Biyernes at Sabado na lamang, dagdag pa ni Perez.
Katuwang ang mga bumbero (BFP), patuloy ang disinfection sa mga matataong lugar at sa mga bara-barangay. Araw-araw iniikot ang mga lugar tulad ng ospital, palengke, bilihan ng gamot sa Junction, at sa mga supermarkets na nasa kahabaan ng National Highway.
Nagpahayag din ng paki-usap si Mayor Perez sa lahat ng mamamayan ng Los Banos na tigilan ang pambabatikos.
“Ang kailangan natin ay magtulungan, pagkakaisa at diyan po tayo magtatagumpay," ayon pa kay Perez.
Base sa latest update ng Los Banos Municipal Health Office, as of March 29, 2020, dalawa (2) ang COVID-19 confirmed cases, may 44 na Person Under Investigation (PUIs) at 251 na Person Under Monitoring (PUMs). (CPGonzaga, PIA-4A with reports from Municipal Government of Los Banos FB Page)
No comments