By Mamerta De Castro April 4, 2020 Ipinamahagi na ng pamahalaang panlalawigan ng Batangas ang P 21.5M o P20K ayuda sa lahat ng 1,078 Ba...
April 4, 2020
Ipinamahagi na ng pamahalaang panlalawigan ng Batangas ang P 21.5M o P20K ayuda sa lahat ng 1,078 Barangay na nasasakupan nito bilang tulong ayuda sa kinakaharap na pangkalusugang krisis na dulot ng COVID-19.(Photo courtesy of Batangas PIO/caption by Bhaby P. De Castro-PIA Batangas )
LUNGSOD NG BATANGAS - Ipinamahagi na ng pamahalaang panlalawigan ng Batangas ang P21.5M ayuda o P20K halaga ng tulong sa lahat ng 1,078 barangay sa buong lalawigan.
Ang halagang ito na nauna nang binanggit ng punong lalawigan sa kanyang panayam sa mga lokal na mamamahayag ay paunang tulong sa mga barangay upang makapagbigay tulong din sa higit na nangangailangang mga residente na pansamantalang nawalan ng hanapbuhay dulot ng enhanced community quarantine (ECQ).
Nauna na dito, hiniling ni Governor Mandanas sa mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Batangas na aprubahan ang halagang P21.5M para sa naturang ayuda.
Kaugnay nito, isinagawa ng SP ang ika-10 session o kauna-unahang “virtual session” upang talakayin ang kahilingan ng Gobernador.
Pinangunahan ni Vice Governor Mark Leviste katuwang ang mga bokal ng bawat distrito at Atty. Marianne Tingchuy, kinatawan ng Office of the Provincial Governor ang pagtalakay sa pagbibigay ng P20K financial assistance para sa lahat ng 1,078 barangay sa panahon na may pangkalusugang krisis na kinakaharap sanhi ng pagkalat ng COVID-19.
Ang naturang halaga ay karagdagang pambili ng bawat barangay ng pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan para sa mga higit na nangangailangan sa kanilang lugar.
Isinagawa din ng SP ang realignment ng pondo na gagamitin upang makabili ng karagdagang medical supplies para sa mga frontliners gayundin ang medical at sanitary equipment para sa itatalagang Quarantine Center.
Patuloy ang pamahalaang panlalawigan sa pagtugon upang masawata at huwag ng tuluyan pang kumalat ang COVID-19.
Nauna na dito ang pagdedeklara ng lalawigan ng quarantine policy, pagbubukas ng Incident Command System, pagbuo ng Batangas Inter-Agency Task Force-Emerging and Re-emerging Infectious Disease (IATF-EREID) at ang pagtugon sa kautusan ng Pangulong Rodrigo Duterte na sumailalim sa Luzon-wide ECQ. (Bhaby P. De Castro-PIA Batangas)
No comments