By Ruel Orinday April 18, 2020 PAGBILAO, Quezon - Ang pamahalaang bayan ng Pagbilao ay patuloy ang pamamahagi ng 10 kilong bigas at P1,...
April 18, 2020
PAGBILAO, Quezon - Ang pamahalaang bayan ng Pagbilao ay patuloy ang pamamahagi ng 10 kilong bigas at P1,000 sa bawa't pamilya bilang tulong sa kabila ng nararanasang enhanced community quarantine (ECQ) dahil sa banta ng coronavirus disease (COVID)-19.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Pagbilao, naunang nabigyan ang mga pamilya sa mga barangay ng Anato, Tukalan, Alupaye, Ikirin at patuloy pa ang pamamahagi ng nasabing ayuda hanggang mabigyan ang mga pamilya sa lahat ng barangay sa munisipalidad.
"Sinisiguro ko po na ang bawa't bahay o pamilya ay makakatanggap ng ayudang ito sa panahong ito ng krisis", sabi ni Mayor Shierrie Ann Portes Palicpic.
Pinangunahan ni Pagbilao Mayor Shierre Ann Portes Palicpic (L) ang pamamahagi ng tulong na bigas at cash aid na P1k sa mga residente ng bayan ng Pagbilao sa panahon ng pinaigting na enhance community quarantine. (Caption: PIA Quezon/Photo: Municipality of Pagbilao Quezon FB Page)
Ayon pa sa alkalde, nagpapasalamat siya sa lahat ng mga tao na nagbibigay din ng tulong sa mga mamamayan ng bayan ng Pagbilao sa panahong nasa ilalim ng ECQ.
"Nagpapasalamat din po ang inyong lingkod sa lahat ng ating mga frontliners kagaya ng mga doktor at nars at iba pa na ating katuwang upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa ating bayan," sabi pa ng alkalde
Ayon naman kay kagawad Manuel Luna, ang tulong na bigas na ipinamamahagi ay mula sa Quick Response Fund ng taong 2016 at 2017 gayundin mula sa disaster fund ng taong 2018 samantalang ang P1,000 cash aid na ipinamamahagi ay mula naman sa Supplemental Budget No.1- 2020 ng lokal na pamahalaan.
Ayon pa sa lokal na pamahalaan, ang bayan ng Pagbilao ay nagkaroon ng dalawang kaso o confirmed cases ng COVID-19 subalit ang mga ito ay nasa ospital at stable na rin.
Patuloy din ipinatutupad sa bayang ito ang social distancing sa mga publikong lugar kagaya ng public market at mga botika gayundin ang curfew hours mula ika-8 ng gabi hanggang ika-5 ng umaga bilang bahagi ng preventive measures laban sa COVID-19. (Ruel Orinday-PIA-Quezon)
No comments