By Ruel Orinday April 4, 2020 Ilan sa mga kawani ng pamahalaang bayan ng Pagbilao na tumulong sa repacking ng bigas na ipamimigay sa mga...
April 4, 2020
Ilan sa mga kawani ng pamahalaang bayan ng Pagbilao na tumulong sa repacking ng bigas na ipamimigay sa mga residente ng bawat barangay sa panahon ng enhanced community quarantine. (Larawan mula sa sa Facebook Page ng Pamahalaang Bayan ng Pagbilao)
PAGBILAO, Quezon - Namahagi ang pamahalaang bayan ng Pagbilao ng ayudang bigas sa mga residente ng 27 barangay at magpapatuloy sa pamamahagi sa mga susunod na araw sa kabila ng patuloy na pagpapatupad ng enhance community quarantine (ECQ) dahil sa banta ng coronavirus disease (COVID)-19.
Ayon kay Mayor Shierre Ann Portes Palicpic, nagpapasalamat siya sa mga taong may mabuting kalooban na nagbigay ng ayudang bigas kagaya ni Quezon 1st District Rep. Wilfrido Mark Enverga, 400 sako, at Gob. Danilo Suarez, 200 sako na ipamamahagi sa mga residente sa pamamagitan ng mga namumuno sa barangay.
"Nagpapasalamat din ako sa pamahalaang panlalawigan at iba pang mga taong tumulong sa pagkakaloob ng tulong na bigas para sa mga mamamayan ng Pagbilao sa panahong ng ECQ kung saan pansamantalang hindi nakapagtatrabaho ang ilan nating mga kababayan," sabi pa ng alkalde
Matatandaan na ang pamahalaang bayan ng Pagbilao ay nauna na ring nagbigay ng tulong na bigas sa mga residente bilang paunang ayuda makalipas ang ilang mga araw na pagpapatupad ng ECQ. Ang pondo na ipinangbili ng bigas ay nagmula sa MDRRMC trust fund na hindi nagamit noong taong 2016 at 2017.
Sa ngayon ay nanatiling COVID-19 free ang bayan ng Pagbilao at patuloy na ipinapatupad ang mga preventive measures kagaya ng social distancing sa mga pamilihang bayan at mga botika, curfew hours mula alas-8 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga gayundin ang community quarantine upang makaiwas ang mga tao sa COVID-19. (Ruel Orinday-PIA-Quezon)
No comments