By Carlo P. Gonzaga April 17, 2020 Lahat ng barangay na may kaso ng COVID-19 pati ang kabahayan ng mga infected persons ay sumailalim ...
April 17, 2020
Lahat ng barangay na may kaso ng COVID-19 pati ang kabahayan ng mga infected persons ay sumailalim sa disinfection na isinasagawa ng Sanitation Strike Team ng Incident Management Team (IMT) upang mapiglan ang lalo pang pagkalat ng virus sa kapaligiran at mapigilan ang pagdami ng kaso ng COVID-19 sa lungsod. (Larawan mula sa Batangas City Palakat FB Page)
Maigting na ipinapatupad sa lungsod ng Batangas ang ‘stay where you are now’ policy bilan karagdagang hakbang upang mapigilan ang patuloy na pagkalat ng coronavirus disease (COVID)-19 sa lungsod.
Bunga nito, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa lungsod ng mga tao at sasakyang manggagaling sa ibang bayan maliban na lamang sa mga exempted alinsunod sa direktiba ng community quarantine.
Mahigpit din ang tagubilin sa mga opisyales ng mga barangay na higpitan ang pagbabantay at pagpapatupad ng home quarantine at ipagbawal din sa mga residente ang pagsundo sa mga kapamilyang stranded sa ibang bayan.
Samantala, iniulat ni Batangas City Environment Officer Oliver Gonzales na lahat ng barangay na may kaso ng COVID-19 pati ang kabahayan ng mga infected persons ay sumailalim sa disinfection na isinasagawa ng Sanitation Strike Team ng Incident Management Team (IMT)
Ito ay upang mapiglan ang lalo pang pagkalat ng virus sa kapaligiran at mapigilan ang pagdami ng kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Mas pinalawak at higit na pinaigting ang disinfection activity na isinasagawa ng Sanitation Strike Team ng IMT sa pangunguna ng City ENRO katulong ang General Services Department (GSD).
Ang sanitation strike team ay may tatlong grupo na nagsasagawa ng disinfection activities sa magkakaibang lugar sa lungsod.
Tumatagal na isang lingo ang effectivity ng disinfectant kung kaya’t may weekly disinfection activities na isinasagawa sa mga sumusunod na lugar: apat na ospital; 25 subdibisyon; 10 supermarkets; 10 fastfood chains; 18 bangko at ATMs; at 32 Poblacion streets sa lungsod.
Ipinag-utos na rin ng pamahalaang lungsod sa lahat ng residente na gumamit ng face mask paglabas ng bahay bilang proteksyon sa COVID-19 alinsunod sa kautusan ng National Inter-Agency Task Force (IATF) na mandatory o sapilitang paggamit ng face masks.
Ito rin ay isa sa mga hakbang na pinaiigting ng pamahalaan lungsod sa harap ng mga bagong talang COVID-19 cases sa lungsod. (CPGonzaga with report from Bhaby De Castro, PIA Batangas)
No comments