Editorial April 4, 2020 Una, quarantine sa Metro Manila. Sumunod, lockdown sa Luzon. Pagkatapos na halos araw-araw ay nadaragdagan ang bi...
April 4, 2020
Una, quarantine sa Metro Manila. Sumunod, lockdown sa Luzon. Pagkatapos na halos araw-araw ay nadaragdagan ang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas at sunod-sunod na namatay ang mga pasyente at kahit mga doktor ay nabiktima, nagdeklara na rin ng kani-kanilang lockdown ang mga lokal na pamahalaan.
Pinaka-recent na nagdeklara ng Total Lockdown ay ang Cebu at Laguna Provinces.
Tutuong hirap at dusa ang dinanas ng mga mamamayan sa kasalukuyan. Bawal lumabas ng bahay, de-oras at may takdang araw ang isa lang miyembro ng bawa't pamilya para makabili ng pagkain at iba pang pangngailangan, KUNG MAY PERANG PAMBILI. Karamihan ay WALA.
Ayon sa mga awtoridad, tiis muna, at sumunod dapat ang lahat sa protocols, sa mga pinaiiral na advisories.
KOOPERASYON, UNAWA AT PAGKAKAISA ang kailangan para labanan ang COVID-19 at malampasan ang krisis.
"Sumunod po tayo. Kung nasaan kayo, diyan na lang kayo. STAY WHERE YOU ARE. Huwag nang magpilit na umuwi sa probinsya. Gusto ninyo ba kayo pa ang magdala ng sakit sa inyong lugar? Kung saan kayo inabot, diyan na lang po kayo mag-quarantine," paliwanag ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya.
Ang pagsasakripisyo ng isa, kung makapagliligtas ng sampo ay kadakilaan. Alalahanin natin, mismong ang tanging anak ng Diyos na si Hesukristo ay isinakripisyo ng Makapangyarihang Diyos Ama para lamang iligtas ang sangkatauhan.
Marahil, sasabihin ng ilang piloso diyan, "Diyos iyon, tayo ay tao lang,"
Iyon na nga ang punto. Diyos na makapangyarihan, pwedeng gawin ang lahat, subalit nilalang na karaniwang tao si Hesukristo, namuhay na kasama ng mga tao at ipinakita kung paano magtiis, magsakripisyo at magligtas ng ordinaryong kapuwa nilalang.
Huwag na po tayong maging pilosopo. Magdasal, sumunod, at umasang matatapos din ang lahat.
LET US HEAL AS ONE. GOD BLESS US. GOD HELP US. SAVE THE PHILIPPINES.
No comments