By Palakat Batangas City May 16, 2020 BATANGAS CITY - Mananatili sa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) ang mga barangay Cu...
May 16, 2020

BATANGAS CITY - Mananatili sa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) ang mga barangay Cuta, Wawa, Malitam at Sta. Clara kahit pa sasailalim na sa general community quarantine (GCQ) ang lungsod ng Batangas, simula May 16 -31.
Ayon sa Executive Order (EO) No. 22 s.2020 ni Mayor Beverley Dimacuha, May 12, 2020, inilagay ang apat na barangay sa ECQ dahil sobrang siksikan ang mga residente dito, may COVID 19 confirmed cases at mataas ang panganib ng pagkalat ng sakit sa komunidad.
Nakasaad naman sa EO no. 23, May 15, na hindi kasama sa ECQ ang Public Markets, 2 at 3 na malapit sa mga nasabing barangay ganon din ang Mt. View Park Subdivision.
Ayon pa rin sa EO no. 23, habang nasa ECQ ang mga nabanggit na barangay ay tanging mga essential businesses lamang tulad ng sari-sari store, botika at iba pa ang papayagang magbukas sa limitadong oras lamang ayon sa magiging rekomendasyon ng Batangas City Task Force COVID 19.
Mahigpit ding ipatutupad dito ang mga health protocols at papayagan lamang ang mga gawaing naayon sa IATF guidelines para sa ECQ. Maglalagay din ng mga checkpoints para maisigurong nasusunod ang safety at health protocols dito.
Hindi papayagan ang mga residente ng apat na barangay na magbukas ng kanilang negosyo na nasa GCQ maliban na lamang kung ito ay essential businesses.
Ang mga residenteng empleyado o manggagawa sa mga non-essential businesses, enterprises o activities na nasa GCQ areas ay hindi muna magre report sa kanilang mga trabaho habang nasa ECQ. Sa halip ay inuutusan ang kanilang mga employers na bigyan sila ng vacation o sick leaves simula May 16-May 31, 2020. Hindi rin sila dapat tanggalin sa trabaho dahil sa hindi pagpasok habang nasa ECQ ang kanilang barangay.
No comments