By Nimfa Estrellado May 23, 2020 (Photo from Lucenacps Qppo Facebook Account) LUNGSOD NG LUCENA, Quezon —Pribado man o public na tr...
May 23, 2020
(Photo from Lucenacps Qppo Facebook Account)
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon —Pribado man o public na transportasyon bawal ang angkas, ito ang paalala ng Lucena City Police Station sa pangunguna ni Col. Romulo Albacea, Chief ng Lucena PNP na sumunod pa rin ang mga taga lungsod sa bawat alituntunin ng General Community Quarantine (GCQ).
Ang mga jeep at motorsiklo ay hindi pa rin pinahihintulutan mag-operate, kahit sa mag-asawa bawal ang pag-angkas sa motorsiklo para sa seguridad at maiwasan ang hawaan sa panahon ng GCQ bilang isang pag-iingat laban sa pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
"Magsuot ng helmet at siguraduhing kumpleto ang dokumento ng inyong motor. Ang paglabag dito ay may kaukulang multa at parusa," paalala pa ng Lucena PNP.
Kung matatandaan pansamantalang sinuspinde ng Department of Transportation (DOTr) ang pag-aangkas sa motorsiklo pribado man o public transportasyon kaugnay na rin sa pagsisikap ng pamahalaan na mapigilan ang tuluyang pagkalat ng COVID-19 sa buong bansa.
Ayon kay Artemio Tuazon, Undersecretary ng DOTr, ang pagbabawal ay bahagi ng social distancing guidelines.
“Hindi puwede ‘yung may backride sa motorsiklo. Isang tao lang po ang puwedeng sumakay sa motorsiklo”, sabi ni Usec. Tuazon.
Nilinaw ni Tuazon na, dahil ang mga rider ng motor ay masyadong magkadikit ang virus ay madaling makakahawa at magiging mabilis aniya ang paglipat ng virus.
Nauna nang nabawasan ng DOTr ang bilang ng mga pasahero na maaaring sumakay ng taxi sa tatlo lamang, habang ang mga UV Express van at mga pampublikong jeep ay kinakailangan na kalahati lamang ang kanilang mga pasahero na isasakay.
25 porsyento naman ang kapasidad na pasahero ang madadala ng mga bagon sa tren.
No comments