By Nimfa Estrellado May 27, 2020 GUINAYANGAN, Quezon - Naitala ngayong araw, May 27, 2020 ang kauna-unahang kaso ng Coronavirus Disease...
May 27, 2020
GUINAYANGAN, Quezon - Naitala ngayong araw, May 27, 2020 ang kauna-unahang kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID19) sa bayan ng Guinayangan, Quezon ayon sa datos na inilabas ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) matapos mahigit sa 2 buwan na COVID-19 free.
Sa isang Facebook post, ipinahayag ni Guinayangan Municipal Mayor Cesar Isaac III na bagama’t lahat ng precautionary measures upang mapigilan ang pagkalat ng naturang virus ay ginawa naman daw nila subalit sa hindi inaasahang pagkakataon ay nagkaroon pa rin ng isang kumpirmadong kaso ng COVID-19 ang kanilang bayan.
Ayon sa DOH Administrative Order No 2020-0013 Annex A Transition of the Old versus New Classification for COVID-19, ang pasyenteng may sakit ng COVID-19 ay tinawag na Patient # 1, Lalaki, 64 years old, nakatira sa Brgy. Poblacion at na-admit noong April 15, 2020 sa isang health facility dahil nahirapan sa paghinga at lumabas ng ospital noong April 26, 2020 na walang sintomas. Dating stroke patient at may sakit sa puso. Noong April 19, 2020 na-swab test at ipinadala sa Lung Center of the Philippines subalit walang dumating na resulta hanggang May 25, 2020. Na-reswab noong May 26, 2020 at lumabas ang result noong May 27, 2020 na positibo sa COVID-19. Sa kasalukuyan diumano, walang sintomas ang pasyente. Siya ay dadalhin sa isang Covid Facility.
“Sa lahat po mga kababayan, bagama't lahat po ng precautionary measures ay ginawa na natin, sa kasalukuyan may isa na po tayong confirmed case," sabi ni Mayor Isaac III.
Ginagawa na rin ng local government ng Guinayangan, Quezon ang massive contact tracing upang ma check ang mga taong nakasalamuha ng pasyenteng positibo sa coronavirus mula nang sila ay nagpakita ng mga sintomas ng sakit.
"Ngayon po ay magsasagawa na kami ng contact tracing, keep safe po tayong lahat,” dagdag pa ni Mayor Isaac III.
Panawagan rin ng alkalde sa lahat ng kanyang mga kababayan na mag-ingat ang lahat, sumunod sa health measures at quarantine protocol na ipinatutupad ng pamahalaan para hindi na umano kumalat pa ang nasabing virus.
"Sa kabatiran po ng lahat: Mag-ingat po ang lahat. Correction po ang date of discharged po ay May 1, 2020 as per hospital record." sabi pa ni Mayor Isaac III.
Sa ngayon mayroong 89 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa buong lalawigan ng Quezon, 15 ang pinaghihinalaang may coronavirus, 640 na ang gumaling habang, 28 na ang namatay samantalang 52 ay nasa home quarantine.
(with reports from #Guinayangan, #Quezon and Guinyangan, Municipal Mayor Cesar Isaac III Facebook Account and Quezon PIO Facebook Page)
No comments