By Cecilia Maloles May 28, 2020 Ayon kay Calamba City General Services Office Department Head, Noemi Talatala, ang lobby lounge ng cit...
May 28, 2020
Ayon kay Calamba City General Services Office Department Head, Noemi Talatala, ang lobby lounge ng city hall ay itinalaga muna bilang processing area ng mga dokumento at serbisyo na kalimitang hinihingi ng mga residente ng Calamba tulad ng clearances, permits at iba’t ibang assistance. (Photo & caption: Cecille Maloles)
LUNGSOD NG CALAMBA, Laguna - Binuksan ng Calamba City Government ang One-Stop Processing Area para sa mga tanggapang nagbibigay ng Frontline Services sa mga mamamayan ng siyudad habang patuloy ang banta sa kalusugan na dala ng COVID-19 pandemic.
Sinabi ni City General Services Office Department Head, Noemi Talatala na sinimulan noong Mayo 21 ang pag-convert ng lobby-lounge ng city hall bilang processing area ng mga dokumento at serbisyo na kalimitang hinihingi ng mga residente ng Calamba tulad ng clearances, permits at iba’t ibang assistance.
Paraan din umano ito upang makasabay sa tinatawag na “new normal” sakaling isailalim na ang probinsya ng Laguna sa General Community Quarantine (GCQ).
“Bukod sa pagtugon sa pangangailangan ng mga tao, kailangan isipin din natin ang kaligtasan ng may may 2,000 kawani ng pamahalaang lungsod na maaaring malagay sa alanganin sa dami ng mga taong dadagsa sa city hall sakaling ma-lift na ang enhanced community quarantine at magbukas na ang mga opisina at kumpanya,” ani ni Talatala.
Dagdag pa ni Talatala, kung dati ay per office ang punta ng mga tao sa pagpoproseso ng hinihinging dokumento tulad ng Business Permit, Mayor’s Permit, Health Clearance at iba pa, ngayon ay nag-assign na ng representative ang bawat tanggapan na syang haharap sa mga kliyente at magpproseso ng hinihinging serbisyo. Sa ganitong paraan ay maiiwasan ang pagpapalipat-lipat ng pupuntahang opisina at pagdami ng makakasalamuha o close contacts sakaling may COVID infected na makapasok sa city hall.
"Bagaman at hindi natin masisiguro na walang COVID positive na makakapasok dahil sa may tinatawag tayong asymptomatic, sisikapin natin na maiwasan ito through precautionary measures. Mahigpit nating ipapatupad ang No Mask ni Entry Policy, social distancing, pag gamit ng thermal scanner, may mga sanitizer at alcohol stations din tayo. Yung mga frontliners natin may provision tayo ng masks, face shields at gloves para protektado sila sa kanilang pagharap at pakikipag-transact sa mga tao," ayon pa kay Talatala.
Ibinahagi rin ng Department Head na nakatakdang maglagay ang City Government ng container vans na magsisilbing satellite offices ng mga ahensya ng gobyerno na dinadagsa ng mga tao.
Sa kasalukuyan ay may 42 kaso ng COVID-19 ang naitala sa lungsod ng Calamba at may 10 active cases na patuloy na binabantayan. (Cecille Maloles)
No comments