May 28, 2020 Ipinasa ng Sangguniang Panglungsod ang Ordinance No 9 S 2020 o ang Interim Transportation Regulations of Batangas City ...
Ipinasa ng Sangguniang Panglungsod ang Ordinance No 9 S 2020 o ang Interim Transportation Regulations of Batangas City na ipinatutupad sa mga pampublikong sasakyan sa pagbabalik pasada ng mga ito ngayong nasa general community quarantine na ang Batangas City simula May 16-31.
Upang pahintulutan ang kanilang operasyon, kailangang kumuha ang drayber at operator ng jeep ng special permit sa LTFRB habang ang tricycle driver/ operator naman ay dapat may prangkisa at Mayor’s permit para sa 2020.
Kailangan ng physical distancing kayat limitado ang pinapayagang kapasidad ng mga sasakyan ayon sa omnibus guidelines ng Inter Agency Task Force (IATF) upang maiwasan ang pagkalat ng coronavirus.
Para sa mga public buses, hanggang kalahati lang ng kapasidad ang maiisakay bukod sa drayber at konduktor.May pagitan na isang metro ang upuan ng mga pasahero at bawal ang nakatayo.
Para sa mga jeep, hanggang kalahati lang din ng kapasidad ang maaaring isakay o 10 katao kasama na ang drayber upang maipatupad ang one meter na distansya sa mga pasahero.
Sa mga public vans, dalawang pasahero lamang kada hanay ang papayagan habang isang pasahero lamang ang maaaring umupo sa hanay ng drayber.
Isang pasahero lamang ang papayagan sa traysikel at bawal ang angkas sa likod nito. P20.00 ang bayad kada isang pasahero (G1-G4) sa poblacion habang P 25.00 naman ang special rate para sa unang tatlong kilometro at karagdagang P 5.00 para sa susunod na kilometro sa labas ng poblacion (G5).
Para naman sa mga pribadong sasakyan, isang pasahero lamang sa unahan at dalawang pasahero kada hanay sa mga kotse habang kalahati lamang ng kapasidad ang papayagan para sa mga utility van.
Bawal ang angkas sa mga motorsiklo.
Hinihikayat ang paggamit ng mga bisikleta subalit bawal din ang angkas dito.
ipinag-utos din ng ordinansa ang ilang safety measures tulad ng pagsusuot ng face mask ng drayber, konduktor at mga pasahero gayundin ang proper personal hygiene at grooming.
Kailangang idisinfect ang sasakyan, maglagay ng basurahan dito at istriktong sundin ang Environmental Code ng lungsod sa waste disposal.
Magsasagawa ng on-the- spot inspection ang mga awtoridad upang matiyak na nasusunod ang mga panuntunan sa ilalim ng nasabing ordinansa.
Warning lamang ang ibibigay sa first offense at community service sa loob ng apat na oras sa second offense. Ang parusa sa third offense ay pagkabilanggo ng hindi hihigit sa anim na buwan o pagbabayad ng multang P 5,000 o parehong parusa depende sa kautusan ng korte. (PIO Batangas City)
No comments