By Bhaby De Castro May 23, 2020 Namahagi ang Department of Agriculture Region IV Calabarzon ng P5.86M halaga ng rehabilitation and reco...
May 23, 2020

LUNGSOD NG BATANGAS - Namahagi ang Department of Agriculture (DA) Region IV Calabarzon sa pamamagitan ng Regional Livestock Program ng P5.86M halaga ng ayuda sa mga magsasaka sa lungsod ng Tanauan.
Ang naturang ayuda ay bahagi ng rehabilitation and recovery program ng ahensya sa mga magsasakang lubhang naapektuhan ng pagsabog ng bulkang Taal.
Bukod sa P130M halaga ng farm inputs at interventions na ipinamahagi noong Enero 18, 2020, inilunsad ng DA Region IV Calabarzon ang Taal Recovery and Rehabilitation Program upang magamit ang P357M Quick Response Fund (QRF) na inilaan ng ahensya sa long-term recovery and rehabilitation ng 28 lungsod at bayan na sakop ng mga lalawigan ng Cavite, Laguna at Batangas na naapektuhan ng pagsabog ng bulkan.
Isa sa pinakamalaking bahagi ng naturang budget ang pagkakaloob ng mga alagang hayop. Sa pamamagitan ng Regional Livestock Program, nakabili ang ahensya ng 1,428 baka, 522 kalabaw at 975 kambing. Nagsimula ang pamamahagi ng livestock interventions kabilang ang mga supplements at iba pang gamit noong Mayo 1, 2020 sa bayan ng Laurel.
May 200 benepisaryong magsasaka mula sa lungsod ng Tanauan ang tumanggap ng livelihood assistance on broiler package kabilang ang 50 ulo ng day-old chicks, 3 ft x 8 ft x 4 ft cage, tig-iisang bag ng chicken booster at chicken grower mash at 10 sachet ng veterinary drugs. May 12 magsasaka naman ang tumanggap ng 60 ulo ng kambing.
Sinabi ni Myrna Tolentino, isa sa mga benepisaryo ng programa na malaki ang kanyang pasasalamat sa ahensya dahil napakalaking tulong ng livelihood assistance package na ito para sa kanilang pamilya kasabay ng pangako na palalaguin ang naturang ayuda.
Sinabi naman ni DA Regional Executive Director Engr. Arnel de Mesa na ang naturang intervention kabilang ang nauna nang ipinamahaging urban gardening kits at inputs,may mga tulong pa para sa mga magsasaka at mangingisda sa Calabarzon lalo na sa mga lubhang naapektuhan sa pagsabog ng bulkang Taal.
Nauna na dito, nagkaroon na din ng pamamahagi ng mga parehong tulong sa bayan ng Laurel, Talisay at lungsod ng Lipa para sa broiler at goat production kung kaya’t umabot sa 432 benepisaryo ang nakinabang na sa programa.
Samantala, sinabi pa ni De Mesa na ang mga sektor ng pangisdaan ay napagkalooban din ng halagang P82M sa pamamagitan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources IV-A upang matulungan sila matapos ang pagputok ng bulkan. (BHABY P. DE CASTRO-PIA Batangas with reports from DA-RAFIS)
No comments