By Ruel Orinday May 28, 2020 LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Inihayag ni Technical Education and Skills Development Authority (TESDA)-...
May 28, 2020
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Inihayag ni Technical Education and Skills Development Authority (TESDA)-Quezon Assistant Provincial Director Engr. Racy Gesmundo na handang tulungan ng kanilang tanggapan ang mga benipisyaryo ng programang 'Balik Probinsya , Bagong Pag-asa' program ng pamahalaan.
Ayon kay Gesmundo, maaari nilang tulungan ang mga benipisyaryo ng programa sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga skills training kagaya ng agri-tech at iba pang skills training program na available sa lalawigan.
"Ang TESDA naman ay all over the Philippines kung kaya't hindi lamang mga taga Quezon ang matutulungan kundi gayundin yaong mga nasa iba o malalayong probinsya na nagtatrabaho sa Metro Manila noon at ngayon ay nag-avail sa programang 'Balik Probinsya, Bagong Pag-asa'," sabi pa ni Gesmundo
Dagdag ni Gesmundo, ang 'Balik Probinsya' program na sponsored ni Senador Bong Go at isinusulong ng pamahalaan sa pamamagitan ng DSWD ay naglalayong hikayatin ang mga taga probinsya na nasa Metro Manila na umuwi na sa kanilang mga probinsya lalo na yaong mga nawalan ng trabaho upang mabawasan ang pagsisiksikan sa Metro Manila gayundin ang makaiwas na magkasakit ng COVID-19.
"Kapag matao at siksikan na sa public places, mas prone ang mga tao na mahawaan ng virus," sabi pa ni Gesmundo.
Ang mga nagbalik probinsiya na interesado sa mga skills training na iniaalok ng TESDA ay maaaring magsadya sa pinakamalapit na provincial office nito upang malaman ang mga detalye sa proseso ng application dito. (Ruel Orinday-PIA-Quezon)
No comments