By Sac Gum May 26, 2020 Atimonan Catholic Church (Photo by Sac Gum) GUMACA, Quezon - Noong I...
May 26, 2020
Atimonan Catholic Church (Photo by Sac Gum)
GUMACA, Quezon - Noong Ika-24 ng Mayo 2020, bilang pakikiisa ng Diyosesis ng Gumaca sa pagdiriwang ng ika-limang taong anibersaryo ng Laudato Si ay isinagawa ang ritu ng pagtatalaga ng sarili bilang pagsasabuhay sa diwa at mga prinsipyo ng panawagan ng Papa Francisco na pangalagaan ang kalikasan sa pamamagitan ng patuloy na pananalangin at pagsasagawa ng mga konkretong aksyong pang-ekolohikal.
Sinimulan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng banal na misa na pinangunahan ng Lubhang Kagalang- galang, Victor C. Ocampo, Obispo ng Gumaca. Sa kanyang homiliya, binigyang pansin niya ang kahalagahan ng sama- samang pagkilos upang pigilan at huwag ng umabot sa 1.5°C ang init ng temperatura ng daigdig na kasalukuyang nasa 1.2°C na ngayon. Matatandaang itinakda ng Santo Papa Francisco na ipagdiwang ng Simbahan ang “Laudato Si Week” mula ika-16 ng Mayo hanggang ika-24 upang magnilay, manalangin at kumilos para sa pangangalaga at pagprotekta sa ating kalikasan; ang nag- iisa nating tahanan.
Matapos ang banal na misa ay isinagawa ang ritu ng pagbabasbas ng mga pananim at ang sabayang pagtatanim bilang simbolismo ng pagtatalaga ng sarili at pakikiisa sa pagdiriwang. Pinangunahan ito ng Obispo ng Gumaca kasama pa ng iba’t- ibang komisyon; Gumaca Diocesan Educational System (GUDES), Diocesan Pastoral Office, Caritas Social Action Center (DSAC), Diocesan Commission on Catholic Evangelization (DCCE), Association of Religious of Gumaca (ARG), Commission on Clergy, at Diocesan Oeconome.
Sa isinagawang ritu ay isinaalang- alang ng mga kalahok ang pagsusuot ng mga face masks at social distancing bilang pagtugon sa kinakaharap na “New Normal” na dulot ng pandemyang COVID19,. Ayon sa mga siyentipiko, ang kasalukuyang krisis na kinakaharap natin ay hindi mailalayo sa usaping pang- ekolohiya. Dahilan sa patuloy na pagtaas ng antas ng konsumerismo at iresponsableng kaunlaran, ay patuloy rin na nasisira ang kalikasan at pagkakaroon ng hindi balanseng ekolohiya.
Isa ang Diyosesis ng Gumaca sa mga aktibong nagsusulong sa panawagan upang magpanatili ng kapayapaan at kaayusan.
“Kapag malinis ang kapaligiran,malusog ang pamayanan” ayon sa Atimonan Catholic Church.
No comments