By Rachel Joy Gabrido June 19, 2020 BAY, Laguna – Muling nagtala ng mga bagong kaso ang bayan ng Bay matapos ang humigit kumulang tatlong Li...
June 19, 2020
BAY, Laguna – Muling nagtala ng mga bagong kaso ang bayan ng Bay matapos ang humigit kumulang tatlong Linggo na pagiging COVID-19 free.
Inanunsyo ng lokal na pamahalaan ng Bay na mayroong panibagong aktibong kaso ng pasyenteng positibo sa Coronavirus Disease o COVID-19 sa lokalidad.
Ang 52-taong gulang na pasyenteng tinaguriang BAY PX-18 mula sa Brgy. Sto. Domingo ay kasalukuyang asymptomatic at nasa maayos na kondisyon. Siya umano ay mino-monitor ng mga healthcare providers sa isolation facility ng naturang bayan.
Samantala, noon namang Hunyo 8, 2020 ay isang 27-taong gulang na residente ng Brgy. Paciano Rizal na tinawag bilang BAY PX-17 ang idineklarang nagpositibo sa COVID-19 ngunit nauna nang pumanaw noong Hunyo 4, 2020.
Ang naturang pasyente ay dinala anila sa ospital sa parehong araw dahil nahirapan itong huminga.
Dead on arrival sa ospital sa Los Baños ang pasyente at bilang pagsisiguro ay kinuhanan ito ng swab test.
Base sa impormasyong nakuha ng lokal na pamahalaan mula sa kaanak nito ay walang history of travel o kahit exposure sa isang COVID-19 patient ang pumanaw na pasyente, ngunit siya umano ay napag-alamang asthmatic.
Agarang inilibing si BAY PX-17 alinsunod na rin sa protocol na sinusunod sa mga yumaong pasyente ngayong panahon ng pandemya.
Sumailalim na rin sa quarantine at nag-swab test na rin ang mga taong nagkaroon ng exposure sa pasyenteng pumanaw.
Patuloy naman ang paalala ng pamahalaang lokal na sumunod sa mga minimum health standard gaya ng pagsusuot ng face mask, madalas na paghuhugas o pag-sanitize ng mga kamay, at pag-obserba ng physical distancing. (Joy Gabrido/PIA4A)
No comments