Paolo M. Gapayao June 18, 2020 Pinangunahan ng Pamahalaang Bayan ng Pililla ang pag-aalay ng bulaklak bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-12...
June 18, 2020
Pinangunahan ng Pamahalaang Bayan ng Pililla ang pag-aalay ng bulaklak bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-122 Araw ng Kalayaan. (Larawan mula sa Pililla PIO)
LUNGSOD NG ANTIPOLO, Rizal - Nagsagawa ng paggunita sa ika-122 Araw ng Kalayaan ang mga local government unit sa Lalawigan ng Rizal sa kabila ng pagharap ng bansa sa COVID-19.
Ang ilang mga LGU ay nagsagawa ng wreath laying o pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ng pambansang bayani na si Dr. Jose P. Rizal noong ika-12 ng Hunyo.
Sa bayan ng Baras, ay nagkaroon ng schedule ng pag-aalay ng bulaklak ang Municipal Officials, Barangay Officials, PNP, BFP aat DepEd Baras school heads. Sa bayan ng Morong naman ay pinangunahan ng LGU kasama ang Morong Police Station ang isang flag raising ceremony.
Pinamunuan naman ng Municipal officials at Sangguniang Bayan sa Pililla, Angono at Taytay ang isang wreath laying ceremony at iba pang pagdiriwang sa kani-kanilang mga bayan.
Lahat ng mga bayang nagdiwang ng Araw ng Kalayaan ay sumunod naman sa mahigpit na panuntunin ng IATF tulad ng pagsusuot ng maskara, paglimita sa dami ng tao at social distancing.
Samantala, nagsimula naman sa pamimigay ng Independence Day food packs sa lahat ng barangay nito ang pamahalaang bayan ng Tanay bilang bahagi ng pagdiriwang.
Naglalaman ng bihon, pasta with spaghetti sauce, macaroni salad, evaporated milk, keso, jumbo hotdogs, asukal, kape, coffee creamer, juice, biscuits, ketchup, corned beef at bigas ang naturang mga packs.
Maaring makipag-ugnayan ang mga lokal sa kani-kanilang mga barangay coordinator para sa schedule, form at sticker nito.
Magkasunod ang pagdiriwang ng ika-122 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas na may temang "Kalayaan 2020: Tungo sa Bansang Malaya, Nagbabayanihan at Ligtas" at ng ika-119 na Araw ng Lalawigan ng Rizal na ginanap noong ika-11 ng Hunyo. (PIA-Rizal may ulat mula sa Tanay PIO, Morong PIO, Angono PIO, Pililla PIO at Baras PIO)
No comments