By Ruel Orinday June 28, 2020 LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Inihayag ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Sec. Martin A...
June 28, 2020
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Inihayag ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Sec. Martin Andanar na umabot na sa 90,000 lang aplikante ng "Balik Probinsiya, Bagong Pag-asa" program sa Metro Manila.
Ang pahayag ay binanggit ni Andanar sa press briefing na idinaos sa Governor's Office, Conference room na isinagawa bilang bahagi ng kanyang pagbisita sa lalawigan ng Quezon Hunyo 20, 2020.
Nilinaw ni Andanar na patuloy na isinusulong ng pamahalaan ang nasabing programa upang matulungang makauwi ang mga taga probinsiya na nawalan ng trabaho sa Metro Manila dahilan sa pagsasara ng mga establisimyento dulot ng ipinatupad na lockdown dahil sa banta ng COVID-19 pandemic.
"Katuwang ng ating nasyonal na pamahalaan ang ating mga lokal na pamahalaan at mga ahensiya ng pamahalaan upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga aplikante kagaya ng pagkakaroon ng trabaho at iba pang tulong", sabi pa ni Sec. Andanar
Ang "Balik Probinsiya" program ay may long term effect kung saan ay magiging maluwag at hindi siksikan sa Metro Manila gayundin maiiangat ang status ng buhay ng mga aplikante sa programa sa pag-uwi nila sa kanilang probinsiya, sabi pa ng kalihim
Ayon pa rin kay Andanar, mahalaga ang tulong o suporta ng mga lokal na pamahalaan upang makauwi sa kani-kanilang bayan o lalawigan ang mga aplikante sa programang "Balik Probinsiya".
Samantala, sinabi rin ng kalihim na layunin ng kanyang pagbisita sa mga lalawigan na konsultahin din ang mga mamamahayag sapagkat ang PCOO ay hindi nakakalimot sa mga media kung kayat nagbigay din ang PCOO ng ayuda sa mga mamamahayag na naapektuhan din ng lockdown dahilan sa banta ng COVID-19 pandemic.
"Patuloy din nating isinisulong ang media worker's welfare act para maprotektahan ang mga mamamahayag", sabi pa ni Andanar (Ruel Orinday-PIA Quezon)
No comments