By Nimfa Estrellado June 21, 2020 Project Lila (Photo from DSWD4) LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Sa gitna ng mainit na isyu ngayon ng #ra...
June 21, 2020
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Sa gitna ng mainit na isyu ngayon ng #rape at victim blaming, binuo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office IV-A nitong Sabado (June 20, 2020) ang Project Lila upang mabigyan tugon ang mga pang-aabuso sa mga kababaihan o kabataan na nangyayari o posibleng mangyari sa ibat-ibang komunidad sa buong Region IV-A ngayong panahon ng community quarantine.
Nitong mga nakaraang linggo lamang ay nag-post ang Lucban Municipal Police Station ng “victim-blaming”post sa kanilang Facebook Page na inulan ng batikos sa social media at naging ugat pa ng pakikipagtalo ng mga kabataang celebrities gaya nina Frankie Pangilinan at Lauren Young sa ilang pulis at sa kilalang broadcaster na si Ben Tulfo at ngayon nga ay naging dahilan rin ng pagkakasibak sa puwesto ni P/Major Rizaldy Merene, chief ng Lucban Municipal Police Station sa instruksyon ni Provincial Director Quezon PPO Col. Audie Madrideo hinggil sa nasabing FB post.
Ang Project Lila ay kampanya ng DSWD Field Office IV-A para paigtingin ang laban sa anumang uri ng karahasan at pang-aabuso sa pamamagitan ng pagbibigay ng dagdag na paraan ng pagrereport ng mga ganitong insidente.
Ayon sa Facebook post ng DSWD4, kasama sa proyektong ito ay ang pagbubuo ng isang reporting system kung saan maaaring ipagbigay-alam ang anumang insidente ng pang-aabuso sa sinuman, lalong lalo na, upang mabigyan ng agarang tulong ang biktima.
Ayon sa DSWD4 ang mga insidenteng maaaring i-report ay ang sumusunod: 1. pisikal; pananakit, pamamalo at pambubugbog, 2. sikolohikal; pananakot, paninigaw, at pamamahiya, pagyurak sa pagkatao, 3. sekswal; panggagahasa, pamimilit sa pakikipagtalik, paghawak sa maseselang bahagi ng katawan, 4. pinansyal, hindi pagbabahagi ng kabuhayan ng pamilya.
Hinihikayat ng DSWD4 ang publiko na i-report ang anumang uri ng pang-aabuso sa mga kababaihan o kabataan sa pamamagitan ng pag-text ng LILA(space)DETALYE at i-send sa 7444-37934 (7444-DSWD4) gamit ang Smart, TNT at Sun lamang para agad na makarating sa DSWD sa mga paraang nabanggit ang mga insidente para sa mas mabilis na aksyon. Maaari ring mag-email sa projectlila@dswd.gov.ph
No comments