By Khaye Brizuela June 6, 2020 Mga guro ng Tayabas East Central School habang nakikibrigada sa kani-kanilang mga tahanan. TAYABAS CI...
June 6, 2020
Mga guro ng Tayabas East Central School habang nakikibrigada sa kani-kanilang mga tahanan.
TAYABAS CITY - Natunghayan ang “virtual” na pagbubukas ng Brigada Eskwela, Oplan Balik Eskwela at Adbokasiyang Pangmagulangin sa bagong normal sa Dibisyon ng Lungsod ng Tayabas sa pamamagitan ng “facebook livestreaming” sa DepEd Tayo Tayabas City at sa Celebrity Channel June 5, 2020 sa pamumuno ng Schools Division Superintendent, Aniano M. Ogayon, CESO V.
Sama-samang nakilahok ang mga punong guro, guro, magulang, opisyal ng barangay at PTA kasama ang mga mag-aaral mula sa 36 na paaralan. Inabot ng 300 ang mga nagpatala para sa pakikibrigada.
Binigyang diin ng Regional Director na si Wilfredo Cabral ng DepEd CALABARZON Region IV-A at OIC Chief ng Education Support Services Division o ESSD, Bernardo Pascual ang pagtugon sa hamon ng edukasyon sa bagong normal.
Nagpaalala ang Ama ng Lalawigan ng Quezon na si Gobernador Danilo Suarez sa diwa ng bayanihan at pagbibigay suporta ng Pamahalaang Panlalawigan sa mga guro at magulang.
Kinatawan ni Vice Mayor Manny De Torres Maraig at Kosehal Farley Abrigo ang Sangguniang Panglungsod ng Tayabas na buong buo ang pag agapay sa mga pangangailangan ng dibisyon.
Pinangunahan ng pangulo ng samahan ng Pederasyon ng PTA, Judith Romero ang pakikiisa sa bayanihan. Kasama sa mga nakilahok na partners ang kinatawan ng EastWest Bank, Arjay Mendoza, Imelda “Lala” Pabulayan, Romualdo Porlay Jr. ng Savemore, Honey Purificacion ng Unilab at ang BFP Tayabas sa pangunguna ni S. Insp. Charlie Beltran.
Ibinahagi ng Education Program Specialist II, Luzviminda Saludares ang programang Oplan Balik Eskwela at miyembro ng “Technical Working Group” o TWG na tutugon sa mga tanong patungkol sa pagbabalik eskwela.
Pormal na binuksan ng OIC Asssistant Schools Division Superintendent o ASDS Randy Punzalan ang Brigada Eskwela at Oplan Balik Eskwela samantalang tinalakay ang mga usaping pangkalusugan at pag-iingat sa bagong normal ng Medical Officer na si Dra. Connie Sia.
Nilinaw ng OIC ASDS Maylani Galicia ang naging resulta ng sarbey sa mga magulang tungkol sa kahandaan sa pagbubukas ng paaralan. Tinukoy ang mga epekto ng sarbey sa iba’t-ibang “learning modalities” o mga alternatibong pamamaraan ng pagtuturo at paano ito sasagutin ng “learning continuity plan ng dibisyon.
Tamang paggabay ng magulangin sa mga anak at pagtugon sa mga pangangailangan ng mga mag-aaral habang nasa tahanan ang naging paksa ng Superbisor sa Edukasyong Pagpapahalaga, Dr. Joseph Jay Aureada.
Sinimulan ang Brigada Eskwela, Oplan Balik Eskwela at Parental Advocacy Campaign June 1, 2020 at matatapos hanggang sa Aug. 29, 2020.
Bukas ang Dibisyon ng Tayabas at ang mga paaralan para sa mga tulong at donasyon na maaring magamit ng mga guro at mag-aaral sa pagharap sa bagong normal.
No comments