By Ruel Orinday July 4, 2020 Quezon Gov. Danilo Suarez LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Inihayag ni Quezon Gov. Danilo Suarez na nagpa...
July 4, 2020
Quezon Gov. Danilo Suarez |
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Inihayag ni Quezon Gov. Danilo Suarez na nagpapasalamat siya sa mga tulong ng pamahalaang nasyonal sa lalawigan tulad ng Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pang mga ahensiya ng pamahalaan bilang ayuda sa gitna ng nararanasang krisis dulot ng COVID-19.
Sa panayam ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Sec. Martin Andanar sa network briefing sa PTV-4 kahapon ng umaga, Hulyo 2, sinabi ni Suarez na nagpapasalamat siya sa nasyonal na pamahalaan at kay pangulong Rodrigo Duterte sa mga tulong na ibinibigay sa lalawigan ng Quezon SAP subsidy at iba pang mga programa at serbisyo mula sa ibat-ibang ahensiya ng nasyonal na pamahalaan.
"Ang nasyonal na pamahalaan ay lagi pong kasama ng pamahalaang panlalawigan o inter-agency sa pagpapatupad ng mga programa sa lalawigan ng Quezon lalong-lalo na sa pagtulong sa mga mahihirap na pamilya sa lalawigan", sabi pa ng gobernador
Samantala, inihayag naman ni DSWD Sec. Rolly Bautista na buo o "all out support" ang kanyang ahensiya sa lalawigan ng Quezon.
Sinabi ni Bautista na ang DSWD ang mangunguna sa nakatakdang pamamahagi ng pangalawang tranche ng SAP subsidy sa lalawigan ng Quezon.
"Mayroon na pong MOA signing ang DSWD at Landbank sa pagpapatupad ng digital payment ng SAP subsidy para sa mga kwalipikadong benipisyaryo sa lalawigan ng Quezon," sabi pa ni Sec. Bautista
Ayon pa kay Bautista, magiging katuwang ng DSWD sa pagpapatupad ng digital payment ang Bangko Sentral ng Pilipinas, Armed Forces of the Philippines (AFP)at maging ang Philippine National Police (PNP).
Matatandaan na nauna nang nagbigay ang DSWD ng tig P8,000 sa mga benipisyaryo ng SAP kung saan karamihan sa mga benispisyaryo ay nawalan ng trabaho o naapektuhan ng lockdown dahil sa banta ng COVID-19 pandemic
Sa kabila naman ng tulong na ibinibigay ng nasyonal na pamahalaan sa mga magsasaka sa lalawigan ng Quezon, sinabi pa ni Suarez na laging handang tumulong ang pamahalaang panlalawigan sa mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga kagamitang pansaka, mga pananim at fertilizer. (Ruel Orinday-PIA-Quezon)
No comments