By Charmaine Odong August 14, 2020 Nakapanayam ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar sa progr...
August 14, 2020
Nakapanayam ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar sa programang Network Briefing News si Sangguniang Kabataan Federation President Ross Matthew Angeles Omega mula sa Calauan, Laguna upang maiulat sa publiko ang mga proyektong kanilang inilunsad para makasabay sa new normal na sitwasyon ang kanilang bayan.
LUNGSOD NG CALAMBA, Laguna - Naglunsad ng iba’t-ibang mga programa ang Sangguniang Kabataan mula sa bayan ng Calauan, Laguna upang makatulong na makasabay sa new normal na kalagayan ng bansa ang kanilang komunidad.
Sa pamamagitan ng Network Briefing News kasama si Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar, ibinahagi ni Sangguniang Kabataan Federation President - Ross Matthew Angeles Omega ang mga programa at proyekto na nakabatay sa pagbibigay ng solusyon sa ilang mga hamon na dulot ng pandemyang COVID-19.
Aniya, bilang kaisa sa tinatawag na youth sector masusing pinag-aralan ng Sangguniang Kabataan Councils kung paano gagamitin ang nakalaan na annual budget upang mas maraming kabataan ang matulungan at maging benepisyaryo ng kanilang mga inilulunsad na programa.
“Ito po ay aligned sa Local Budget Circular No. 124 ng Department of Budget Management (DBM) at DILG kung saan hinahayaan ang mga SK Councils na i-access ang mga pondo para sa iba’t-ibang proyekto at programa”, pahayag ni SK Federation President Omega.
Dagdag pa niya, isa sa pinakamalaking programa na pinaglalaanan at pinaghahandaan ng budget ng Sangguniang Kabataan Councils ang edukasyon lalo’t higit ang pagkakaroon ng bagong programa na blended and distance learning na isinusulong ng Department of Education (DepEd) kung saan nangangailangan ito ng mas malaking atensyon sapagkat malapit ng magbukas muli ang klase para sa mga kabataan.
“Yung pinakamalaki pong programa dahil ito rin po ang pinakamalaking problema ng ating bansa at ating bayan yung education po, yung blended and distance learning na isinusulong po ng Department of Education, we allot funds for this, para sa mga donations po sa ating mga kaguruan at syempre po ang pag-assist sa kanila sa mga free tutorials or online tutorials sa ating mga kabataan na nag-aaral po.” ani SK Federation President Omega.
Inilahad rin ni SK Omega ang kanilang karagdagang paghahanda at plano para matulungan ang hirap na dulot ng COVID-19 sa kanilang bayan, layunin nilang isaayos ang mga proyekto na angkop para sa new normal na nakabatay sa bagong Annual Barangay Youth Investment Program o budget na ilalaan rin para sa youth empowerment kung saan susundin ang non-face to face programs na gagawing online o virtual para maging tuloy-tuloy ang paglulunsad ng aktibidad para sa kabataan ng kanilang bayan.
Kaugnay nito, nagbigay ng mensahe si SK Omega sa kanyang kapwa kabataan at mga kababayan na sundin ang mga patakaran na inilalabas ng mga kinauukulan sapagkat para ito sa kapakanan at kaligtasan ng lahat.
Nagpaalala rin si SK Omega tungkol sa kanilang ipinasang "Anti-Child Endangerment Ordinance" kung saan nakasaad na mapaparusahan ang mga magulang na hinahayaan ang mga kabataan na magloiter o magpalabas-labas ng kanilang bahay sa kasagsagan ng implementasyon at pagpapatupad ng Enhance Community Quarantine (ECQ) o iba pang uri ng community quarantine. (CO/PIA4A)
No comments