By Ruel Orinday August 8, 2020 LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Ilulunsad ngayong araw ng panlalawigang tanggapan ng Technical Education...
August 8, 2020
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Ilulunsad ngayong araw ng panlalawigang tanggapan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang Poverty- Reduction, Livelihood and Employment Cluster o PR-LEC Convergence sa Barangay Cagsiay-III, Mauban, Quezon.
Sinabi ni TESDA-Quezon Assistant Provincial Director Engr. Racy Gesmundo na sa programang ito ay magsasama-sama ang mga ahensiya ng pamahalaan upang magsagawa ng libreng pagsasanay sa nabanggit na barangay na natukoy na may maraming mahihirap na pamilya, mga Indigenous People's (IPs) community at sightings ng mga rebelde.
Kabilang sa mga ahensiya ng pamahalaan na kasama sa programa ang: TESDA, Department of Science and Technology (DOST), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Labor and Employment (DOLE), National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) at maging ang Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO).
"Kung matututo ng mga kasanayan at mga gawaing pangkabuhayan ang mga tao, hindi na sila madaling ma-recruit ng mga makakaliwang grupo," sabi ni Gesmundo
Dagdag ni Gesmundo, maaari din lumahok sa skills training sa ilalim ng PR-LEC ang mga indibidwal na may edad 21 hanggang 59 taong gulang.
Ang programa ay bahagi ng Regional Task Force to End Local Armed Conflict o RTF-ELCAC.
Ang PR-LEC Convergence ay ilulunsad din sa mga piling barangay sa mga bayan ng Mulanay, Lopez, San Narciso, General Luna, Catanauan, General Nakar, General Luna at maging sa San Francisco. (Ruel Orinday-PIA-Quezon)
No comments