By LA Dollette August 1, 2020 Pangulong Rodrigo Roa Duterte MANILA, Philippines - Sa kabila ng banta ng pagdakip at nang kumakalat n...
August 1, 2020
Pangulong Rodrigo Roa Duterte |
MANILA, Philippines - Sa kabila ng banta ng pagdakip at nang kumakalat na sakit na COVID 19, tinatayang umabot pa rin sa labing dalawang libo (12,000) ang bilang ng mga rallyistang dumalo sa University of the Philippines, Quezon City noong July 27 para magprotesta habang isinasagawa ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Ang nasabing rally ay tinawag nilang "SONAgkaisa" at pinangunahan ng halos 90 organisasyon mula sa iba't-ibang sektor at ilang kilalang personalidad.
Ayon kay Dr. Aleli Bawagan, ang Vice Chancellor for community affairs ng University of the Philippines Diliman (UP Diliman), ang rally ay higit na mas malaki kumpara sa "mananita rally" na kanilang isinagawa noong July 12.
Ilan sa mga dumalo ay grupo na binubuo ng mga kababaihan, manggagawa, magsasaka, estudyante at grupo ng mangingisda na nagtipon sa Department of Agrarian Reform (DAR) at nagmartsa patungong UP Diliman. Nagbantay naman sa nasabing lugar ang mga Quezon City Police District (QCPD) pulis para ipalala ang social distancing at pagsusuot ng face mask, gayundin ang seguridad ng mga rallyista na pinangakuan nilang hindi haharangin.
Ang pagsasagawa ng rally ay tradisyunal na pagtitipon at legal na pinapayagan sa araw ng SONA ngunit dahil sa pandemyang kinakaharap ng bansa ay naging mahigpit ang pagpapatupad nito. At bagamat nauna nang sinabi ng Department of Interior and Local Government (DILG) na maaari ang magsagawa ng rally sa loob ng mga UP Campuses, may ilang mga pagharang at pagdakip pa rin ang naiulat. Isa na rito ang pagharang at pagdakip sa ilang rallyista sa Carmona, Cavite, ilang oras bago ang SONA.
Ayon kay Joy Caldo mula sa Student Christian Movement of the Philippines- Cavite State University, nanggaling ang grupo sa isang rally na ginanap sa Dasmarinas, Cavite at patungo naman sa Laguna sakay ng apat na jeep upang lumahok sa rehiyonal na protestang gaganapin sa UP Los banos nang harangin sila sa may bandang SLEX.
Pitong estudyante rin ang dinala sa Los banos Police Station noong kaparehong araw na siya ring patungo sa rally sa loob ng UPLB campus. Ayon kay Kyle Angelo Salgado, tagapagsalita ng Karapatan-Southern Tagalog, hinarang ng pulisya ang kanilang jeep sa boundary ng Calamba at Los banos. Natuloy at naisagawa naman ang protesta sa University of the Philippines Los Baños (UPLB) campus at nanawagan din para sa mga hinarang nilang kasamahan. Wala namang naging pahayag ang mga pulis patungkol dito.
Maliban naman sa UP Diliman at UPLB Campus, nagsagawa rin ng protesta ang ilang grupo sa iba't-ibang panig ng bansa noong araw ng SONA. Ang iba't-ibang grupo ay nananawagan sa mga problema ng bayan kagaya ng pagtugon sa pandemya, mass testing, academic freeze, pagsasara ng network na ABS-CBN, pagbasura sa Anti-terror Law, pagbagsak ng ekonomiya, pagdepensa sa press freedom at pag-abuso sa karapatang pantao.
Isa na rito ang grupo ng protestante sa Plaza Hernandez, Tondo Maynila na nagsagawa ng pagkilos ilang oras bago magsimula ang SONA at nananawagan sa pag prayoridad ng buhay at kabuhayan, at pagsasagawa ng mass testing. Nagsagawa rin ng protesta sa parehong araw ang ilang grupo ng katutubo sa labas ng Baguio Cathedral na nanawagan naman para sa pag respeto sa kanilang grupo at ang paglaban diskriminasyon at "red-tagging" na ipinapataw sakanilang grupo.
"Tulong, hindi kulong", ayan naman ang sigaw ng mga protestante sa Dasmarinas, Cavite, umaga bago ang SONA, na humingi rin ng pagkilos laban sa pag-aabuso sa karapatang pantao. Nagsagawa rin ng protesta ang rallyista sa Cebu, Pampanga at Bacolod na nananawagan din sa mga nasabing problema.
Nagbigay naman ng isang speech si Senator Risa Hontiveros sa isinagawang rally sa loob ng UP Diliman Campus na kasabay nang mismong SONA ng pangulo. Kasabay din nito ay ang pagpuna naman ng dating mambabatas na si Neri Colmenares at Human rights Advocate na si Chel Diokno sa administrasyong duterte dahil raw sa kakulangan nito sa pagresponde sa pandemya. Samantala, marami pa din ang nanatiling dismayado matapos ang SONA ng pangulo dahil madami pa rin daw ang tanong na hindi nasagot at hindi nailatag na plano.
No comments