By Rachel Joy Gabrido September 5, 2020 Sec. Francisco Duque BAY, Laguna – Sinabi ni Department of Health Sec. Francisco Duque na an...
September 5, 2020
Sec. Francisco Duque |
BAY, Laguna – Sinabi ni Department of Health Sec. Francisco Duque na ang itinatayong bagong Mega Quarantine sa Lungsod ng Calamba ay bahagi ng pagpapaigting ng gobyerno sa health system ng bansa.
Sa mensahe ni Sec. Duque nang mag-inspeksyon ang National Task Force (NTF) Against COVID-19 sa Calabarzon Regional Government Center na kasalukuyang ikino-convert bilang isang Mega Quarantine Facility sa naturang lungsod, binigyang diin niya ang kahalagahan ng naturang pasilidad sa inisyatibo ng pamahalaan na palakasin pa ang kapasidad ng sistemang pangkalusugan laban sa Coronavirus Disease (COVID-19).
“Ito po ay bahagi ng aming pagbibisita para siguruhin po na ang ating health systems capacity ay atin pong pinauunlad at pinaiigting at nakita naman po ninyo na ito ay karagdagang 553-bed capacity ng isolation and quarantine facility,” pahayag ng Health Secretary.
Kaakibat aniya ang hakbang na ito sa limang haligi sa pagtugon ng pamahalaan sa suliraning dulot ng pandemyang COVID-19.
Ang limang ito aniya ay ang mga sumusunod: (1) prevention, (2) early detection through aggressive active case finding, (3) contact tracing, (4) testing, at (5) isolation.
“Ito iyong facility na sumusuporta po doon sa isa sa mga humahaligi sa atin na pandemic response, kasama po ang treatment,” dagdag pa ni Sec. Duque.
Bahagi naman aniyang katuwang ng pamahalaan pagdating sa treatment ang mga ospital, ang one hospital command center na binuo nito lamang nakaraang tatlong Linggo, at mga quarantine/isolation facility.
Sa ilalim naman ng Oplan Kalinga, ayon sa Health Secretary, ay inililipat ang mga mamamayan na may mga sintomas na influenza-like illness (ILI) at may mga nag-uumpisang acute respiratory illness sa mga pasilidad na gaya nga ng Mega Quarantine Facility sa lungsod ng Calamba na sa ngayon ay 80 porsiyento nang kumpleto.
“Layunin po nito na sila ay agarang mailipat sa ganitong mga facilities kasama po ang mga ospital. Ito po ay bumubuo sa tinatawag nating referral, one effective patient navigation and referral system.”
Nagpaabot rin si Sec. Duque ng pasasalamat kay Laguna Gov. Ramil Hernandez at Calamba City Mayor Timmy Chipeco sa kanila aniyang agresibong pagpapaunlad ng mga pasilidad na makikita nga sa nasabing quarantine facility.
Dagdag pa ng Secretary, sa patuloy na pagbubukas ng ekonomiya at pagluluwag ng restriksyon ay kinakailangan na ang pamahalaang nasyunal at lokal ay magkatuwang na magsikap upang makayanang tugunan sakaling tumaas ang bilang ng mga kasong severe hangggang sa kritikal na COVID-19.
Ang naturang pasilidad ay inaasahang maaari nang tumanggap ng pasyente sa huling Linggo ng buwan ng Agosto. (Joy Gabrido/PIA4A)
No comments