by Jebel Musa November 23, 2020 Ang malinis pang pamingwitang ilog ng Morong sa Ibabang Talim - ng mga taga Ibabang Talim at maging taga-Sar...
November 23, 2020
Ang malinis pang pamingwitang ilog ng Morong sa Ibabang Talim - ng mga taga Ibabang Talim at maging taga-Saraiya. (Photo from Jebel Musa) |
(Episode 2 ng Lucena Rivers Assessment)
Ang ilog ng Lucena ay
Hindi madamot at buong pusong nagbibigay.
Ang Ilog ng Lucena ay
Nagpapadaloy ng buhay.
Ang Ilog ng Lucena ay kanlungan
Ng ibat-ibang hayop, halaman, at tubig nilalang.
Ngunit ang ilog ng Lucena ay
Marunong ding magalit at sumingil,
Kung hindi natin eto
Aalagaan, proprotektahan at mamahalin.
Ang Lucena River Basin
Masasabing napakaswerte ng mga taga-Lucena dahil may matatawag na kambal na ilog o Twin Rivers – ang ilog Iyam at ilog Dumacaa - ang dalawang pangunahing malaking ilog ng Lucena na parte ng tinatawag nating Lucena River Basin, na nag-uugnay at kumukolekta sa pinagsama-samang katubigan at nagpapadaloy ng buhay. Mula sa Bundok Banahaw, pinadadaloy nito ang malinis na tubig pababa sa mga tributaries, o mga ilog at sapa, na sakop ng bayan ng Lucban at Tayabas (2015, DREAM Project). Mula sa Bundok Banahaw, sa Lucena River Basin dumadaloy ang tubig na naiinom ng bayan ng Pagbilao, Tayabas at Lucena (sa pamamahala ng Prime Water Quezon Metro - dating QMWD). Bukod sa tubig na maiinom, binibigyan din ng tubig ng Lucena River Basin ang halos 4,302.56 ektaryang sakahan ng Lungsod (2010 Lucena Profile), at hindi pa kasama dito ang lupang sakahan ng bayan ng Tayabas at bahaging kanluran ng Pagbilao. At mula sa ilog, nakikinabang din ang mga tubig-nilalang mula sa dagat, sa pamamagitan ng pagpapadaloy ng mga nutrients galing sa mga nabubulok na hayop, puno, at halaman mula sa mga karatig kalupaan, kagubatan at kabundukan.
Nagsisilbing tahanan din ng ibat-ibang hayop, ibon at tubig nilalang ang dinaladaluyang kalupaan ng Lucena River Basin. Sa unang river assessment ng aming grupo, 23 species ng ibon, 16 na species ng puno at 5 species ng mangroves, ang aming nakita sa pamamangka sa ilog Iyam at Dumacaa. Ang mga nasaksihang buhay-yamang natural ay wala pa sa kalahati ng kabuuang haba ng dalawang mahalagang ilog ng Lucena. At sa pangalawang river assessment ay nadagdagan pa ang nakitang mga ibon, hayop at halaman (sa mga naitala ni Gadi Gaytano):
4 species ng kingfisher, 2 species ng dove, 3 species ng heron, 2 species ng crow, 2 species ng reptile, 2 bagong species ng mangrove; at muling pagkakita sa Chestnut Munia, Eurasian Tree Sparrow, Olive Backed Sunbird, Fly Eater, Phil Bulbul, Yellow Vented Bulbul, , Wagtail at Fantail, at Kanaway (lokal na tawag ng taga-Barra) o Shorebirds na maituturing na migratory birds.
Kung titingnan sa mapa, ang nagpapadaloy-buhay na ilog ng Iyam at Dumacaa ay magsasanib sa ibabang parte ng Cotta-at lalabas sa pinakang bunganga ng ilog hanggang sa magsanib ang tubig tabang at alat sa baybayin ng Ransohan at Barra. Ngunit sa parteng ibabaw ng brgy. Ransohan ay makikita pa ang dalawang mas maliit na ilog na nakaugnay sa pinag-isang ilog ng Iyam at Dumacaa (matatawag na confluence). Ang una at pinakang ibabaw na ilog ay mas mahaba ang bagtas, halos humigit 4 kilometro, at binabagtas nito ang brgy ng Ransohan, Salinas, at brgy ng Ibabang Talim – kahabaang nag-uugnay din sa ilog ng Morong sakop ng bayan ng Sariaya. Ang pangalawang ilog ay halos ibabaw lang ng Brgy Ransohan at may haba ng humigit-kumulang 1.5 kilometro (sukat mula sa Google Earth). At sa pagitan ng dalawang ilog ng Brgy. Salinas at Ransohan, makikita ang mayaman pang Mangrove Forest ng Lucena. (humigit kumulang 58 ektaryang sukat).
Ang Mangrove Forest at kambal-ilog ng Ransohan at Salinas, na kaugnay ng Brgy. Talim ay masasabing ganap na mas malinis kumpara sa ilog Iyam at Dumacaa – sa kadahilanang halos inukupa ng malaking bahagi ng populasyon at paninirahan ng Lungsod ang pinagigitnaang bahaging kalupaan ng dalawang ilog. Maging ang natural na floodplains (hal. Market View New Cemetery) at river easement (sa población riverside brgys) o kalupaang bahagi pa ring dapat ginagalawan ng dalawang ilog ay natitirikan ng kabahayan at straktura.
Bukod sa sobrang paninirahan sa sentrong kalupaang-yakap ng ilog Iyam at Dumacaa, kakaiba ang kambal-ilog ng Brgys Ransohan at Salinas, dahil halos bilang-daliri lang ang dami ng naninirahan at mas kakaunti ang kabahayan sa baybaying ilog. Nakakahinga at malayang nakakagalaw ang daloy ng ilog at nakakatulong sa pagpapanatili ng lupa ang hanay ng punong bakawan sa tigkabilang-pangpang.
Kung susundan ang ilog ng Ransohan, ang tutumbukin nito ay mala-paraisong kagubatang bakawan – o mangrove forest. Ang makapal pang mangrove forest na eto ang nagsisilbing tagapagligtas ng Brgy Ransohan laban sa malaking baha galing sa ilog Iyam at Dumacaa at bumabasag sa mabubuong baha galing sa ilog-ibabaw ng Brgy. Salinas at Ibabang Talim. Ang pagpananatiling makapal at malusog na mangrove at river ecosystems ang magbibigay ng malaking pakinabang, at magliligtas at pagpapatuloy ng mga buhay na nakadepende dito – ang mga halaman at hayop, ang mga tubig nilalang - kasama ang buhay ng mga taga-Lucena at karatig bayan.
Bakit pupunta pa sa ibang bayan, katulad ng Palawan, kung may matatawag na sariling Paraiso ang bayan ng Lucena.
Upang patuloy tayong makinabang at mabigyan, kailangan nating protektahan at alagaan ang buong yamang-kalikasan ng Lucena.
(Ang mga larawan ay kuha sa pangalawang River Assessment ng Team na binubuo mula sa Tanggol Kalikasan, kinatawan ng City Tourism at City GSO, at mga bangkero ng Brgy Barra.)
Lucena Rivers Assessment Team:
Jay Silva Lim
Danny Villareal Ordoñezez
Eduardo Gaytano
Raymund Villalon
Kuya Meo
Jebel Musa
Marek Tabernilla – City GSO
Czloen Kristoper Jimenez Abaricia - City Tourism Office
Mga Bangkero ng Barra:
Leo Obciana,
Benny Aguaviva,
Conrado Bobadilla,
German Romero
Erik Gilbuena: Makke this a part of Google Outreach : https://www.google.com/earth/outreach/special-projects/!! Mabuhay mga kabayan!
ReplyDelete