by Jebel Musa November 9, 2020 Dagdag na kuha ng larawan: Wheng Palaboy (Bila...
November 9, 2020
Dagdag na kuha ng larawan: Wheng Palaboy (Bilang coastal brgy, ang Ransohan ay kakaiba ang magiging sitwasyon kung ang banta ng baha ay manggagaling sa dagat. Dahil ang proteksyon na mangroves ay nasa likod at nakaharap at bukas sa dagat ang kumunidad, walang sanggalang ang barangay sa malakas na alon o storm surge. Kaya kailangan pa rin ng tamang pagpa-plano kung saan dapat nakaposisyon (zoning) ang mga kabahayan). Text lifted from Levees and the National Flood Insurance Program |
(Nitong Oktobre. Nakaraang 2-Sunod na Pagbaha)
Ang Brgy. Ransohan, Lucena City ay isa sa matatawag na coastal brgys ng Lungsod ng Lucena - kabilang ang Brgys Talao-Talao, Dalahican at Mayao Castillo.
Nitong nakaraang Oktobre 8 at 9 ay nakadanas ng 2 sunod na pagbaha na dala ng Low Pressure Area (LPA) ang Lungsod, dahil sa pag-apaw ng dalawang ilog na halos tumaas ng 2 - 4 na metro, na nakaapekto ng halos 11 barangays, 2,532 pamilya, 11,466 katao at pagkasira ng bahay, ari-arian ng mga nakatira malapit sa baybaying ilog ng Iyam at Dumacaa.
Sa pagpadyak namin sa Brgy Salinas papuntang Brgy Ransohan, napansin namin ang malawak pang Bakawan at ilang palaisdaan. Pagdating sa Brgy Ransohan, nakakwentuhan namin sina Mang Amon at Mr. Garcia at naitanong kung gaano kataas ang baha sa kanila ng maganap ang dalawang sunod na baha. Sinabi nilang hindi naman tumaas ang tubig sa kanila at hindi sila binaha.
Nagtaka ako dahil ang ibang parte ng Brgy Dalahican (sitio Sta. Teresa, at ibang palaisdaan sa likod ng Dalahican National High School) ay nakaranas ng halos 1 metrong baha. Maging sa may Cotta, sa may dating daungan ay mataas ang baha at umabot halos sa 2 metro mula sa normal na lebel.
Kung titingnan sa mapa (Google Earth) , makikita natin na ang Brgy Ransohan ay nasa ibaba ng malawak pang bakawan o mangrove forest. Halos humigit kumulang 58 ektarya ang lawak ng mangrove forest. At kahit nasa ibabaw nito ang isa pang ilog na nagdudugtong sa Morong River, hindi nakarating ang tubig baha sa brgy. Ransohan. Maaring isang patunay na proteksyon ang mga bakawan o mangroves laban sa malaking baha. At hindi lang panlaban sa baha (o storm surge), ang isang malusog na ektaryang mangrove ay kayang magkanlong at magpalaki ng 1.08 toneladang isda (1 ton = 1 libong kilo) kada taon. Kung meron tayong 58 ektarya, halos 58,000 kilong isda din ang kaya nating iproduce sa loob ng isang taon, at hindi na natin kailangan ang mga palaisdaan - na dati at natural na bakawan at katian na kanlungan din ng mga ibon at iba bang tubig-nilalang.
Ang mangrove forest na sakop ng Brgy Salinas at Brgy Ransohan nalang ang natitira nating mayaman at masiglang bakawang kagubatan. At makikita din sa mapa kung paano naging palaisdaan ang malawak nating bakawan at katian (ganon din sa Brgy Dalahican at Talao-Talao).
Ang bakawang kagubatan natin ang nagliligtas ng buhay, (at bilang carbon sink/deposits), nagbibigay kasiguruhan ng ating pagkain, at kanlungan at tahanan ng ibat-ibang nilalang at pangmatagalang sagot sa hamon ng Climate Change.
Sana'y patuloy nating alagaan at protektahan ang ating mga bakawan.
No comments