by Jebel J. Musa December 28, 2020 Tinipak river, sa Sitio Cablao. Brgy Pagsangaha...
December 28, 2020
Tinipak river, sa Sitio Cablao. Brgy Pagsangahan, Nakar Quezon. (Photo by Jebel J. Musa) |
“Halos kulang nalang ng dalawang dipa sa taas ng poste ng kuryente…”
Hindi ako makapaniwala sa sagot ni Kapitana Ningning, dating Chieftain ng mga Dumagat, Baykuran tribe, na nakatira malapit sa Tinipak river, sa Sitio Cablao. Brgy Pagsangahan, Nakar Quezon, nang tanungin ko kung gaano kataas ang baha na dulot ng Bagyong Ulysses na dumaan sa bansa nitong nakaraang buwan ng Nobyembre. Kasama ang grupo ng Tanggol Kalikasan, pumunta kami sa Brgy. Daraitan sa Tanay upang hatiran ng tulong ang mga kababayan nating mga Dumagat. Itinuro pa niya sa amin ang naiwang bakat at tanda ng taas ng baha sa dingding ng bahay na tinutuluyan – halos katapat ng kanyang beywang, ngunit ang bahay ay nakatirik pa sa mataas na lugar na halos 8-9 metro ang taas mula sa taas ng ilog Daraitan. Halos ga-poste nga.
“Sa tagal na naming magkakasama upang pangalagaan at bantayan ang kalikasan at kabundukan ng Sierra Madre, ngayon lang sila humiling ng tulong”, sabi ni Jay Lim, Executive Director ng Tanim Kalikasan, kapatid na organisasyon ng Tanggol Kalikasan.
Kasama ng Tanggol Kalikasan ang grupo nina Kapitana Ningning,, halos higit 10 taon na nakakaraan, nang magsagawa ng malawakang pagbabantay at panghuhuli sa mga illegal loggers o ang mga magtrotroso sa kabundukan ng Sierra Madre.
Kwento pa ni Kapitana Ningning, halos walang natira sa kanilang bahay na pawang inanod at sinira ng ga-posteng baha. Mahigit 20 pamilya ng kapatid nating mga katutubong Dumagat ang nawalan ng kagamitan, kabuhayan at tirahan.
Halos mas marami pa ang naapektuhan ng malaking baha sa mismong barangay ng Daraitan kung saan namin tinagpo ang grupo ni Kapitana Ningning. Samantalang ang tirahan nila Kapitana Ningning ay malayo pa sa brgy ng Tanay, Rizal, at siyang lugar nila ay sakop na ng bayan ng Nakar, Quezon.
Kaya’t mabilis na nag-organisa ang grupo, sa pamumuno ni Maam Juliet Aparicio, Area Director ng Tanggol Kalikasan, Southern Luzon, upang hatiran sila ng mga pangunahing pangangailangan katulad ng bigas, kaldero, de-lata at tinapa, mga damit, at mga trapal na pansamantala nilang magiging bubong at pansamantala nilang magiging tahanan.
Ayon pa kay Kapitana Ningning, nakikitulog daw muna sila sa mga kakilala, at ang iba ay pansamantalang naninirahan sa brgy Daraitan, sakop ng Tanay. Hindi daw nila inaasahan ang malaking baha, ang inaakala nila, ayon sa nakinig na balita, na umaga pa ang dating ng malakas na ulan ni Ulysses. Hindi nila napaghandaan ang maagang dating at mabilis na pagtaas ng baha ng madaling araw. Maliban sa kanilang sarili, wala daw silang nailigtas kahit anong gamit.
Ang Sitio Cablao, Brgy. Pagsangahan, na siyang lugar ng mga tribu nina Kapitana Ningning ay mas malapit at mas madaling marating kung sa Daraitan, Tanay manggagaling dahil sa mas malayo at walang maayos na daan mula sa bayan ng Nakar. Mula sa Daraitan ay babagtasin nila ang Tinipak River at maglalakad ng halos kulang-kulang 2 oras upang makarating sa lupang angkan ng mga katutubo. AngTinipak river ay karugtong ng Agos River na siyang sakop din ng malawakang proyekto ng pamahalaan – ang New Centennial Water Source-Kaliwa Dam o mas kilalang Kaliwa Dam.
Hindi lang ang bayan ng Tanay, Rizal at Nakar, Quezon, ang masasakop ng dambuhalang proyekto, sakop din ang bayan ng Antipolo, Teresa (Rizal Province), at ang bayan ng Infanta, Quezon.
At hindi lang ang 5 bayan ng probinsyang Quezon at Rizal ang sakop, kundi maari ring maapektuhan ang isa sa mga importanteng pinangangalagang pook, o Forest Reserve ng bansa, ang karugtong-buhay ng mahabang kabundukan ng Sierra Madre - ang Kaliwa Watershed Forest Reserve (KWFR). Ayon sa isang environmental organization , ang Kaliwa Watershed Forest Reserve ay tahanan ng 15 species ng amphibians, 334 species ng ibon, 1476 species ng isda, 963 species ng invertibrates, 81 species ng mammals, 50 species ng mga halaman, at 60 species ng reptiles. At sa kulay-kapeng tubig na dumadaloy sa ilog ng Daraitan/Tinipak, apektado na ang naninirahang mga tubig nilalang ng ilog na kung saan nakadepende ang buhay ng mga katutubong katulad ni Kapitana Ningning at ibang nilalang sa kabundukan. At libong katutubo ng Dumagat ang maaring maapektuhan at marami dito ay maaring maalis sa angkang-lupang tirahan ng isinasagawang proyektong dam. At hindi pa isinasama ang mas malaking kumunidad ng Infanta at Nakar.
Itinanong ko kay Kapitana Ningning kung ilang araw nang kulay kape ang ilog ng Daraitan o Tinipak. Ang sagot niya ay halos 1 buwan na (Nobembre 11 ang Bagyong Ulyssess). Kung halos isang buwan na, nangangahulugang ang kulay kapeng tubig ay sanhi ng malawakang erosion ng lupa na maaring sanhi ng paglawak ng sakahan at ang patuloy pa ring pagputol ng troso at pagka-kalbo ng kabundukan ng Sierra Madre.
At pinatunayan iyon ni Kapitana nang sabihing patuloy pa rin ang illegal logging o pagpuputol ng puno sa kabundukan. Si Kapitana Ningning ay isang DENRO, o Deputized Environment Officer o Forest Ranger na binigyan ng kapangyarihan ng DENR na magbantay sa kagubatan. Walang laban sa mga kung minsan ay armadong magpuputol ng puno ang mga katulad ni Kapitana na tanging kamera lang, pagmamalasakit sa kalikasan, at lakas ng loob, ang tangan sa pagbabantay.
Hindi na tayo natuto.
Mukhang nalimutan na natin ang malawakang baha sa REINA – Real, Infanta at Nakar, Quezon – noong ika-29 ng Nobyembre, 2004, na kumitil sa halos 1,500 katao at sumira ng maraming tahanan at kabuhayan dahil sa malawakang pagragasa at pagbaha ng tubig, putik at mga malalaking troso, hindi lang sa REINA area, kundi maging sa kalapit bayan ng Laguna.
Kailan kaya tayo matututo?
No comments