by Jebel J. Musa December 22, 2020 Dagat ng Lucena. (Photo from Jebel Musa) ...
December 22, 2020
Dagat ng Lucena. (Photo from Jebel Musa) |
LUCENA CITY - Kung nakapaligo kayo sa dagat ng Lucena noong dekada 70, masasabing napakaswerte ninyo dahil naabutan pa ninyo ang malinis na tubig dagat, malambot at pinong buhangin sa malawak na dalampasigan, at ang mga puno ng aroma, puno ng niyog, at makapal na bakawan na nakahanay at nagsisilbing proteksyon ng tabing baybayin at sa kakaunti pang kumunidad sa baybayin ng dagat-Lucena. Kung may pinong buhanging- puti ang Boracay, merong naman tayong pinong buhanging-itim na mas nakakabawas sa init ng araw dahil sa kakaibang kakayahang pagsipsip ng init-araw ng itim na buhangin.
Dalawa ang maituturing na sikat na puntahan at piknikan basta’t dagat ng Lucena ang pinagusapan – ang De Mesa sakop ng Brgy. Dalahican at Talao-Talao na mismong kapangalang barangay. Maging ang mga taga-Maynila at mga karatig-bayan ay dinarayo ang ating malinis at mahabang baybayin na dagat ng Lucena. Tanda ko pa nung bata ako, napakalayo at malawak ang buhanginan at bayabayin ng Talao-Talao pag Kati o Hibas. Pagbaba ng tubig, mas ganap na makikita ang ganda ng dagat dahil sa paglitaw ng ibat-ibang kabibe o shells, mga Starfish, at ibang uri ng anyong-buhay dagat. Kahit napakalayo mo na sa dalampasigan ay mababaw pa rin ang taas ng dagat at masasabing ligtas kahit sa mga bata ang paglalaro sa tubig at buhanginan.
Tanda ko pa ang mga kwentong - ang artistang katulad ni Ike Lozada na paboritong puntahan ang de Mesa – na maituturing na mga unang resort sa Lucena. At sa kabilang barangay naman ng Talao-Talao, ay naging lokasyon ng shooting ng pelikulang Perlas ng Silangan (1969) na pinagbidahan ng Hari ng Pelikula na si Fernando Poe Jr, katambal ang maybahay at ang sikat ding si Susan Roces o kilala bilang si Lola Kap sa “Ang Probinsyano”. Sa pelikulang Perlas ng Silangan , ang siyang natitira pang saksi at magpapakita pa ng dating ganda ng tanawin at linis ng tubig ng Talao-Talao. Ang pelikulang Perlas ng Silangan ang dahilan kung bakit may resort sa Talao-Talao na “Perlas ng Silangan” ang pangalan.
Ngunit sa pagdaan ng panahon at pag-unlad ng lungsod ay unti-unting nagbago ang magandaang imahe ng karagatan ng Lucena. Dala ng urbanidad at lumulubong populasyon ng Lungsod, ang mga dalampasigan ng dagat ng Lucena ay inukupa ng mga kababayan nating mga mandaragat na galing sa Visaya at ibabang parte ng Timog Luzon.
Mula pa sa mga pagkukulang ng mga nagdaang pamumuno tungkol sa pangangalaga ng ating kapaligiran at karagatan, kasama ang epekto ng mga basura ng Lungsod na naitatapon sa kailugan natin at dadalhin hanggang sa dagat baybayin, naapektuhan ang kalinisan at pangisdaan na siyang kinabubuhay ng mga ka-Lucenahin nating nakatira sa dagat-baybayin. Napuno ng basura at plastic, dumumi, at nasira ang dagat dahil sa maling gawi ng pagtatapon ng kalat, maling-gawi ng pangingisda – katulad ng paggamit ng dinamita - nasira ang ating mga bahura na tahanan at kanlungan ng mga isda at iba pang tubig-nilalang.
Ang pagwawalang pagmamahal sa kapaligiran, mga basura na mistulang malaking kumot na sa ilalim ng ating dagat, at mali at sobrang pangingisda - dahilan upang maging kaunti ang isda, dahilan upang ang dagat natin ay halos hindi na mapakinabangan at maging mapanganib sa ating mga lokal na mga mangingisda na maghanap sa ibang baybayin, dahilan upang dumayo pa sila ng malayo upang makapaghanap-buhay at makahuli lamang ng maipapakain sa kanilang pamilya – may nakakaabot pa ng Aurora, Mindoro, Romblon at maging sa Palawan. Ngunit paano ang mas maraming maliliit na mangingisda na may maliit ding bangka at hindi kaya ang alon sa bukas at malayong karagatan?
Ngunit katulad ng karagatan, patuloy ang pag-alon at pagdampi ng pag-asa sa baybayin ng Lucena - ang pag-asa ay nasa mismong taga-Lucena at mga mismong nakatira sa ating dagat- baybayin. Katulad ng namumuno sa Brgy Talao-Talao na si Kap Reil Briones, mga opisyales ng brgy, at mga kasamahang taga Talao-Talao, sinisikap nilang ibalik ang dating ganda ng ating karagatan. At ayon sa kanya, ang Talao-Talao ay isang Isla – at siyang tunay dahil inihihiwalay ng ilog Kulong-Kulong ang buong barangay – dahilan upang mas higit na maging katangi-tangi.
Tama si Kap Reil, isang Isla pa rin ang Talao-Talao at natatangi. Kung iyong muling bibisitahin ang gawing Silangan ng Brgy. Talao-Talao, andun pa rin ang kinang at ganda ng lugar, at para sa akin ay isang magandang Perlas ang Talao-Talao. At katulad ng perlas, eto ay kailangan nating alagaan ng pangmatagalan, upang mapanatili ang kinang at ganda ng lugar. Kailangang alagaan din natin ang kanilang kanlungang kabibe, at alagaan ang tahanang dagat, hindi lang tahanan ng mga dagat nilalang, ang dagat ay ating sariling tahanan din.
At katulad ng perlas, muling kikinang ang ganda ng ating karagatan kung matututo tayong alagaan at mahalin ang ating kapaligiran katulad ng pagpapahalaga sa mamahalin ngunit di matutumbasang hiyas. Ang Talao-Talao at ating baybaying dagat ay isang perlas – ang Perlas ng Lucena.
No comments