by Patricia T. Bermudez December 23, 2020 MONTALBAN, Rizal - Mensahe ng bayanihan ang hatid ng isinagawang information caravan at outreach n...
December 23, 2020
MONTALBAN, Rizal - Mensahe ng bayanihan ang hatid ng isinagawang information caravan at outreach ng Philippine Information Agency Calabarzon (PIA 4-A) para sa mga tour guide ng Sitio Wawa sa Montalban, Rizal kamakailan.
Kasama ang mga kinatawan mula sa Kagawaran ng Kalusugan (DOH), pinangunanhan ni Regional Director Maria Cristina Arzadon ang information caravan at outreach program na layuning makapaghatid hindi lamang ng napapanahong impormasyon kundi ang maipaabot mensahe ng pagtutulungan sa gitna ng pandemya at mga kalamidad.
“Batid namin ang inyong pinagdadaanang hirap dulot ng pandemya sa loob ng 10 buwan na pinabigat pa lalo ng nakaraang bagyo,” ani Dir. Arzadon.
Bukod sa pamamahagi ng relief packs para sa may 50 tour guide ay binigyang diin ni Arzadon ang kahalagahan ng napapanahon at tamang impormasyon sa gitna ng pandemya at sakuna.
“Mahalagang sa panahong ito na maipakalat hindi lamang ang impormasyong kundi ang tamang impormasyon,” patuloy ni Arzadon.
Labis na naapektuhan ng matamlay na turismo ang kabuhayan ng mga residente ng Sitio Wawa na karamihan ay kumukuha ng pagkakakitaan bilang tour guide.
Matatandaang isinailalim rin ang bayan ng Rodriguez sa state of calamity dahil sa pananalasa ng bagyong Ulyses. (PB)
No comments