by Henry Buzar January 11, 2021 2020, ang tindi mo, aalis ka na lang, magiiwan ka pa ng sama ng panahon (coldfront). Ang taong 2020 sa aking...
January 11, 2021
2020, ang tindi mo, aalis ka na lang, magiiwan ka pa ng sama ng panahon (coldfront). Ang taong 2020 sa aking palagay ang pinaka-grabeng taon na dumaan sa ating buhay. Halos baguhin nito ang mundo. Isang milyon at walong daang libo (1.8M) ang binawian ng buhay dahil sa coronavirus, siyam na libo at isangdaan at anim na pu’t dalawa dito (9,162) ay Filipino. Sunod-sunod na bagyo kasama pa ang isang super typhoon (Rolly) ang sumira sa 305,000 na kabahayan, pagkawala ng kabuhayan ng 200,000 mga magsasaka at mangingisda, paghihirap ng mahigit isang milyong Pilipino at kamatayan sa kulang-kulang na isang-daan ang idinagdag pa maliban sa idinulot na lagim ni COVID.
Sa buong mundo, ang taong 2020 ay kasumpa-sumpa: pagpasok pa lamang ng taon, labing-siyam na milyong ektarya ng sinunog na punong-kahoy, isang bilyong hayop ang nasawi at 34 na buhay ng tao ang kinitil ng bushfire sa Australia. Ang pagpapabagsak ng isang eroplano ng Ukrain ng bansang Iran na kumitil sa 176 na pasahero nito, lindol sa Turkey, pag-atake ng mga balang sa East Africa, pagkakagulo sa America sa pagkakapaslang kay George Floyd ng isang pulis at pagkabagabag sa buong mundo dahil dito at siempre pagkatalo ng naka-upong Pangulo ng Amerika na si Trump na sa aking palagay ay malaki ang kontribusyon kung bakit marami ang namamatay sa COVID-19 sa bansa.
Ang taong 2020 ay nakapag-pabago ng buhay ng mga tao sa mundo. Lumabas ang mga terminong: "social distancing, face shield at mask, quarantine, lockdown, at covidiot (mga taong hindi sumusunod sa mga atas ng mga ahensyang pang-kalusugan)." Nabawasan ang ating pakikisalamuha sa mga kapwa-tao natin manapa’y nagtulak sa atin sa “isolation,” ng mga matatandang may “comorbidities” at pagbabawal sa mga bata na magsipag-uli. Napako halos tayo sa Netflix at mga gawaing bahay.
Kumita at naging laman ng pang-araw-araw na gawain natin ang “online order” sa Lazada, Shopee at iba pang online store. Nakatipid tayo sa gasolina ngunit nag-taasan naman ang presyo ng mga pangunahing bilihin. Malaki ang naitulong ni ZOOM upang makapag-meeting, makapag-klase tayo at nadiskubre ng mga negosyante na pupwede naman palang “work at home” at patuloy na magkam-kam ng tubo at hindi magbawas ng mga empleyado. Malaking pagbabago na maaring madala pa sa taong 2021.
Ganon pa man, tumitingin tayo ng may pag-asa sa taong 2021. May mga gamot ng magagamit para kay COVID, mas umuusad ang kaalaman natin sa coronavirus at maaring sa mga darating na araw at mas mahusay na mga pang-kontrol sa mga viruses ang madiskobre. Maraming bansa ang inaasahang makaka-recover sa kanilang mga Ekonomiya, nangunguna na dito ang bansang China at India. Sa taong 2022, makikita na natin ang pag-normalize ng mga Ekonomiya at maaring isa sa mga araw na iyon ay ideklara na ang tagumpay ng mundo sa COVID-19 at kagaya ng pagka-gapi ng Bubonic Plague (BLACK DEATH) noong 1351 pagkatapos ng 5 taon at 25 milyong namatay, dahil dito, nagsayaw ang mga tao sa kalye. Kahit hindi na tayo sumayaw sa kalye, ang importante ang COVID-19 ay maging isang ordinaryong sakit na lamang at isang nakaraang-historya ng mundo.
Salubungin natin ang taong 2021 na may mataas na optimism. Dto natin ubusin ang mga handang pagkain natin upang maging maganda ang darating na taon sa ating mga buhay. MAGANDANG BAGONG TAON, MASAGANA, AT PAGKA-ALPAS SA COVID-19 SA LAHAT!
No comments