by PIO Lucena/EJ Bagnes January 6, 2021 Kuya Mark Alcala habang namimigay ng pamas...
January 6, 2021
Kuya Mark Alcala habang namimigay ng pamaskong regalo sa ibat-ibang sektor sa lungsod. (Photo from PIO Lucena) |
LUCENA CITY - Matindi man ang naging dagok ng COVID-19 pandemic sa mga Lucenahin, hindi naman nawala ang malasakit ng mag-amang Mayor Roderick ‘Dondon’ Alcala at Kuya Mark Alcala upang makapagbigay ng pamaskong handog sa ibat-ibang sektor sa Lungsod.
Kamakailan ay ipinagkalooban ng mag-amang Alcala ang lahat ng mga kawani o empleyado ng Lucena City Government Complex, maging Job Order o Permanent man ang mga ito.
Pinangunahan ni Kuya Mark Alcala ang pamamahagi ng mga gift pack katuwang ang pinsan ni Mayor Alcala na si Kuya Ayan Alcala kasama rin si Konsehal Patrick Norman Nadera.
Sa maiksing programang isinagawa rito, ipinahayag ni Kuya Mark Alcala ang kaniyang pasasalamat sa ginawang paseserbisyo publiko ng mga empleyado sa kabila ng nakakaranas pa rin ng pandemya ang Lungsod ng Lucena.
Aniya, sa simula pa lamang ng pagkakaroon ng COVID-19 sa Lungsod ay hindi pa rin tumigil ang mga kawani ng lokal na pamahalaan na maghatid serbisyo publiko para sa mamamayan ng Lucena.
Maging sa panahon ng pagkakaroon ng sunod-sunod na pagbagyo ay hindi pa rin nito napigilan ang ilan mga mangagawa ng pamahalang panlungsod upang magtrabaho para lamang sa kanilang mga kababayan.
Umani naman ng malakas na palakpakan na may kasamang sigawan ang ginawang pasasalamat na ito ni Kuya Mark Alcala na isang hudyat rin ng pasasalamat sa ginagawang pagmamalasakit ng mag-amang Alcala.
Bagamat ipinagbabawal pa rin ang pagsasagawa ng Christmas Party ngayon ay personal naman iniabot ni Kuya Mark Alcala ang kanilang regalo ni Mayor Dondon Alcala para sa mga ito.
Bilang panghuli, humiling rin si Kuya Mark Alcala sa mga kawani na dumalo sa aktibidad na ito na kung maari ay maglahad sila ng matatamis na salita sa kanilang kapwa bilang regalo na rin ng mga ito sa darating na kapaskuhan.
Ito aniya ay upang maghatid sa mga ito ng panibagong pag-asa at panimula sa darating na bagong taon at makalimutan na rin ang mga naranasang pandemya at sakuna ng kasalukuyang taon.
No comments