By Carlo P. Gonzaga January 8, 2021 Isang malawakang Coastal clean-up activity at Linis Bayan ang isinagawa ngayong araw sa bayan ng Gen. Na...
January 8, 2021
Isang malawakang Coastal clean-up activity at Linis Bayan ang isinagawa ngayong araw sa bayan ng Gen. Nakar.
Ang mga nabanggit na aktibidad ay nakapalaman sa Memorandum Order No 2021-01 na inilabas kamakailan ni Gen. Nakar Mayor Esee Ruzol.
Ayon sa kautusan, hinihikayat ang mga kawani ng lokal na pamahalaan maging ang mga empleyado ng nasyonal na pamahalaan na nakabase sa Gen. Nakar na makilahok, sumali, at tumulong sa sabayang Linis Bayan at Coastal Clean-up ngayong ika-8 ng Enero 2021 simula ika-6:00 hanggang ika-10:00 ng umaga.
Isang kawani lamang ang maaaring maiwan sa loob ng bawat tanggapan upang patuloy na makapaglingkod sa taong bayan.
Ang lahat ng dadalo ay inaasahang magdadala ng malinis na sako para sa mga basurang hindi nabubulok na makukolekta upang ilagay sa mga nakatalagang collection points.
Matapos ang coastal clean-up, ang mga kawani ng lokal na pamahalaan ng General Nakar ay inaasahang magbabalik sa ganap na ika-1:00 ng hapon sa kani-kanilang tanggapan upang ipagpatuloy ang paghahatid ng serbisyo publiko.
Para naman sa lahat ng hinirang at nahalal na opisyal ng barangay kasama ang ilang NGOs, at mga benepisyaryo ng 4Ps, sila ay inaasahang makiisa sa aktikbidad na ito sa pamamagitan ng paglilinis sa mga lugar na nasasakupan ng kanikanilang barangay.
Samantala, ipinapaalala ng pamahalaang lokal na mahigpit pa ring ipinapatupad ang mga health protocols upang makaiwas sa paglaganap ng COVID19. Kabilang ang pagsusuot ng face mask, pagpapanatili ng physical distancing na dapat undin sa lahat ng oras at huwag kalilimutan ang paglilinis ng kamay sa pamamagitan ng alcohol o hand sanitizer. (PIA-4A/Gen. Nakar FB Page.
No comments