by Ruel M. Orinday January 19, 2021 (R-L) Pinangunahan nina DOH-CALABARZON Eduardo C. Janairo, Quezon 4th District Rep. Helen Tan, at Tagkaw...
January 19, 2021
(R-L) Pinangunahan nina DOH-CALABARZON Eduardo C. Janairo, Quezon 4th District Rep. Helen Tan, at Tagkawayan Mayor Carlo Eleazar ang groundbreaking ceremony sa ipatatayong mga bagong gusali para sa Maria L. Eleazar General Hospital sa Tagkawayan, Quezon noong Enero 14 2021. (Larawan mula sa Tagkawayan Teleradyo) |
TAGKAWAYAN, QUEZON -Nagkakahalaga ng kabuuang P725 milyon ang pondong inilaan ng Department of Health (DOH) sa pagpapatayo ng mga bagong gusali para sa Maria L. Eleazar General Hospital sa bayang ito.
Sa idinaos na groundbreaking ceremony na pinangunahan nina DOH Center for Health Development (DOH CHD) 4A Regional Director Eduardo Janairo kasama sina Quezon 4th District Rep. Helen Tan at Tagkawayan Mayor Carlo Eleazar noong Enero 14, 2021, sinabi ni Janairo na ang milyong pondong nabanggit ay mula sa DOH Health Facility Infrastructure Project.
Sinabi naman ni Rep. Tan na inaasahang magbibigay ng mas magandang serbisyong pangkalusugan ang nasabing ospital kapag natapos na ang proyekto hindi lamang sa mga lokal na residente ng bayan ng Tagkawayan kundi gayundin sa mga karatig bayan nito.
Si Rep. Helen Tan ang nagsulong ng panukalang batas na Republic Act 11474 na nag-upgrade sa nasabing ospital upang maging level-3 general hospital habang si Sen. Bong Go naman ang naging katuwang sa bahagi ng Senado sa pagsusulong ng proyekto.
Ayon naman kay Tagkawayan Mayor Carlo Eleazar, ang kanilang akala, kalahating ektarya lamang ang donasyong lupa noon ng kanilang ama na pinagtayuan ng dating district hospital subali’t kalaunan ay natuklasan nila na isang ektarya pala ang donasyon. Marahil, ang kaisipan daw ng kanilang ama ay darating ang panahon na kakailanganin ng nasabing ospital ang mas malaking bahagi ng lupa para sa expansion na siya na ngang unti-unti naisasakaturan sa ngayon.
“Malaking pasasamat ito na magkakaroon na ng katuparan ang pangarap ng ating mga kababayan para sa mas maayos na pasilidad pangkalusugan”, sabi pa ng alkalde
Labis ang ginawang pasasalamat ng pamunuan ng Maria L. Eleazar General Hospital sa Department of Health at sa tulong nina Rep. Tan gayundin ng Sangguniang Bayan sa pangunguna ni Vice Mayor Danny Liwanag. (Ruel Orinday- PIA-Quezon with report from Tagkawayan LGU)
No comments