by Henry Buzar January 31, 2021 Karneng baboy. (Photo from Market Manila) Base sa ginagawang pag-aaral at imbestigasyon ng DA, ang inventory...
January 31, 2021
Karneng baboy. (Photo from Market Manila) |
Base sa ginagawang pag-aaral at imbestigasyon ng DA, ang inventory ng mga frozen pork meat, local at imported ay mas mataas ng 55% kumpara sa nakaraang taon at buwan (Oktubre) na umaabot ng 38,216 metric tons.
Bakit patuloy pa rin ang pagtaas ng presyo ng karneng baboy na nagtutulak sa kaparehong produktong (karne) baka, manok at isda? Ang mga pumapatatak sa “meat products” ay pwedeng subsitute o pamalit sa karneng baboy kagaya nga ng baka, manok at isda at kasama rin ang ibang klase ng karne katulad ng tupa, kambing at karne ng buwaya sa Palawan sapagkat pare-pareho namang nagbibigay ng protina ang magkakatulad na karne. Kapag tumataas ang presyo ng mga ito ay nadadamay din ang ibang produktong agrikultural.
May mga rason sa Ekonomiks kung bakit tumataas ang presyo ng isang bilihin maging indibidwal man o pang-maramihan (bulto) sa pamilihan. Pwede nating sukatin ang pagtaas ng presyo gamit ang CPI (Consumer Price Index) o WPI (Wholesale Price Index).
Hindi naman natin masisisi ang mga retailers sapagkat bumibili lang sila sa farm kung saan nanggagaling ang suplay. Kung mas malaki ang demand sa isang produkto at konstant o walang pagbabago naman ang suplay siempre tataas ang presyo base sa batas ng suplay at demand. Kung mababa ang suplay ganon din naman naapektuhan ang presyo ng isang klase ng produkto. Halimbawa, kapag tag-init at kalmado ang dagat mas malayo ang nararating ng mga mangingisda at sagana sa huli. Dadagsa ang suplay at bababa ang presyo ng isda. Kaya naman naobserbahan natin na mababa ang presyo ng isda at tambak pa ang suplay kapag summer.
Natatandaan ko noong kapilyohan at kabataan ko na sumasama ako sa mga kabarkada ko at nangbabakaw kami ng isda sa Dalahican. Tag-tulingan noon at summer, napakadaming tulingan na kapag dumampot ka sa mga nagbubuhat ay hindi ka papansinin. Parang tag-sisingko lamang kada isang piraso ng tulingan noon. Kapag umuuwi kami, halos tig-dadalwang tuhog kami ng tulingan (mga 3 kilo ngayon) at iba pang klase ng isda. Masagana noon ang pangingisda at wala pang Komisyon.
Sa pagdaan ng panahon, nagka-kapos ang suplay hindi sa kadahilanang kumukonti ang isda kundi lumalaki ang populasyon ng bansa. Sa pagdami ng populasyon ay siya naming paglaki ng demand sa mga produkto gaya ng karne. Nagreresulta ito sa “shortage” at kung may shortage, tataas ang presyo ng produkto. Kaya naman noong panahon ni Marcos mga panghuling taon ng 60’s at mga unang taon ng 70’s, ay halos irasyon ang bigas at kinakailangang pumila ka sa RCA ngayon ay NGA sa apat na sulok ng Lucena. Sapagkat 14 kami hindi pa kasama ang mga katulong namin sa pandayan, kinakailangan naming pumilang magkakapatid upang makabili ng isang ganta kada taong nakapila. Halos kumukonsumo kami ng isang sako kada isang Linggo noong mga panahon na yon pwera pa ang biglaang pagsulpot ng mga bigas sa mga pangkaraniwang tindahan.
Komonti din ang suplay sapagkat hindi na natin prayoridad ang pagtatanim ng palay kundi mas maraming lupa para sa mga kabahayan at pang-komersyo (residential and commercial uses). Marami rin ang mas gumanda ang mga teknolohiya na panghuli ng isda at modernong pag-aalaga ng mga mestisong baboy at manok kung kayat komonti ang direktang pumupunta sa mga kumukonsumo nito at napupunta sa mga nag-dedelata at iba pang klase ng mga gumagawa ng mga “finish products.”
Ang pagtaas ng presyo ng isang klase ng karne, halimbawa baboy ay depende sa tinatawag na “price elasticity of demand.” Kung tumaas ng Php50 ang presyo ng baboy, gaano kadami naman ang magiging demand sa baka, manok at isda? Tataas din ba ang presyo nila? Gaano kalaking porsyento ang maaring gawing pagtaas o pagbaba upang huwag maapektuhan ang suplay at demand ng kaparehong produktong karne?
Habang nagiging kumplikado ang reaksyon sa palengke, nagiging kumplikado din naman ang mga formula na ginagamit ng mga Ekonomista. Doon ay magrerekomenda sila ng importasyon upang mapunoan ang kakulangang suplay. Dito din nagiging kumplikado at masalimuot na pagtaas lamang ng presyo ng isang klase ng bilihin na ngayon ay nagkaka-damaydamay na kasama pa ang korupsyon sa pag-importa ng mga produktong kinakailangan at pumapatak na isa sa mga “basic commodities” lamang na pangangailangan ang isang tao upang mabuhay.
Base dito, ang nararapat nating gawin upang bumaba ang presyo ng baboy ay: 1) Huwag tayong kumain ng baboy. Kapag bumaba ang demand sa baboy bababa ang presyo nito. Mas mainam ito sa kalusugan natin kaya naman napakadalang kong kumain ng baboy at iba pang “red meat.” Palitan natin ng murang isda at magtyaga na muna tayo sa tilapia at bangus. Pwede din ang manok sapagkat mura pa naman. Huwag naman pagdiskitahan ang mga alaga ninyong mga aso at pusa. 2) Mag-importa ng mas marami kaysa sa mga datos ng nakaraang mga taon. Kapag binaha ang ekonomiya ng baboy sa palengke siguradong bababa yan at malulugi naman ang mga local na nag-aalaga ng baboy. Konting tiis na lang sapagkat ilang araw na lang e magsa-summer na at tatambak na muli ang mga isda. 3) Sapagkat mataas din ang presyo ng mga gulay, magtanim at ikunsumo ang mga naani sa gayon ay bababa din ang demand sa gulay at baka ipamigay na lamang ng mga producers sa Mt. Province. 4) Marami pang paraan na pupuntos naman sa suplay ngunit baka hindi na ninyo basahin ito sapagkat masyadong mahaba na kaya hanggang dito na lang muna.
Thank you for your info
ReplyDelete