by PIO Lucena January 16, 2021 Dalahican Port. Lucena City, Quezon Province. (Photo from Waver Xindee ) LUCENA CITY - Matapos na magpakawala...
January 16, 2021
Dalahican Port. Lucena City, Quezon Province. (Photo from Waver Xindee) |
LUCENA CITY - Matapos na magpakawala ng mga baby sea turtles ang tauhan ng City Agriculture Office sa Barangay Barra, naniniwala si Chairwoman Amelia ‘Amy’ Sobreviñas na isa itong palatandaan na mayroon pa ring masiglang karagatan ang lungsod ng Lucena.
Aniya, hindi lamang ito ang unang beses na magkaroon ng ganitong klaseng pangyayari sa kanilang lugar na sadya naman ikinatuwa ng mga residente nito lalo’t higit ang mga malapit sa baybaying dagat.
Dagdag pa nito, ang mga nangingitlog na pawikan sa baybaying dagat ng Lucena at sa kanilang barangay ay patunay na marami pa ring mga iba’t-ibang uri ng hayop at lamang dagat ang matatagpuan sa karagatang nasasakop ng Lucena.
At dahilan dito, kinakailangan aniya na dapat mas lalo pang pangalagaan ng mga mamamayang naninirahan sa baybaying dagat ng lungsod ang kanilang lugar upang mas lalo pang sumigla ito.
Hindi lamang aniya ito magdadala ng maganda at masiglang karagatan kundi maari rin itong magdala ng pangkabuhayan sa mga residente dito.
Maari aniya itong maging isa sa mga tourist attraction dito na siyang magdadala rin ng karagdagang kita para sa mga mamamayan na naninirahan sa baybaying dagat at maging sa iba pa.
Ipinaabot naman ni Sobrevinas sa kanyang mga kabarangay ang paalala na kung sakaling may matagpuan o makitang itlog ng pawikan ay agad itong ipagbigay alam sa mga opisyal nang barangay upang mabigyang proteksyon at maalagaan ang mga ito.
Samantala, ang mga pinakawalang baby sea turtles kamakailan ay tinatayang mahigit sa 70 na kung saan ay nabibilang ang mga ito sa olive ridley species.
Pinangunahan naman ang nabanggit na aktibidad ni City Agriculturist Mellisa Letargo, kasama sina Agriculturist Officer Nica Cabana at Nikko Bautista, mga tauhan mula sa Tanggol Kalikasan at Kapitana Amy Sobreviñas.
Inaasahan rin ng mga nasabing opisyales at maging ng mga residente ng Barangay Barra na ang mga pawikan na pinakawalan ay babalik makaraan ang dalawamput limang taon kung saan sila napisa at pinakawalan upang mangitlog rin dito.
No comments