by PIO Lucena/K.Monfero January 16, 2021 Ang mag-aaral mula sa Mayao Castillo Elem...
January 16, 2021
Ang mag-aaral mula sa Mayao Castillo Elementary School na si Jaylou Lupo. (Photo from PIO Lucena) |
LUCENA CITY - Sa kabila ng nararanasang krisis ng lahat, hindi maipagkakaila na naging mahirap ang sitwasyon ng pamumuhay dahil sa pandemya.
Isa na nga dito ang sitwasyon ng isang mag-aaral mula sa Mayao Castillo Elementary School na si Jaylou Lupo.
Si Lupo ay nasa ika-5 baitang ng elementarya at estudyante ng guro na si Cleofe Zeta.
Ayon sa punong barangay na si Virgilio Garcia, minsan nang napag-usapan ng kanilang konseho ang sitwasyon ng bata sa isang aktibidad na isinagawa sa nasabing paaralan.
Nabanggit aniya ng bata sa guro nito na hindi ito makakapagpasa ng kanyang module sa itinakdang oras dahil malayo ang tahanan nito at kadalasan ay kinakailangan pang magtinda o magtrabaho ng kahit anumang mapagkakakitaan upang may makain sila araw-araw.
Dahil dito, binisita ng guro kasama si Kagawad Mario Zeta pati na rin ang Tactical Operations Group Four ng Southern Luzon (Togfour Towsol) ang bahay ng nasabing estudyante.
Nakita ng mga ito ang sirang bisikleta na ginagamit nito papasok ng paaralan at nitong nagkaroon ng pandemya ay ginagamit ng kanyang magulang upang makapagpasa ng module ni Jaylou.
Ito aniya ang dahilan kaya hindi ganoon kadali para sa kanila ang pumunta sa nasabing eskwelahan.
Makaraan naman ang unang pagbisita sa bata, muling bumalik ang mga ito dala-dala ang regalong bisikleta mula sa butihing puso ni LTC Alfredo Antonio Jr. ng Philippine Air Force (MNSA)
Lubos namang ikinatuwa ng bata at ng kaniyang magulang ang pagbibigay sa kanila ng naturang regalo.
Taos sa puso din namang nagpasalamat ang mga ito sa guro ng bata, Sangguniang Barangay, at lalung-lalo na sa Togfour Towsol.
Samantala, nangako naman si Lupo sa kanyang guro na mas lalo pa niyang pagbubutihin ang pag-aaral dahil marami pa itong pangarap para sa kanyang sarili at para sa kanyang pamilya.
No comments