by PIO Lucena/ Josa Cruzat February 22, 2021 Comelec Lucena (Photo from PIO Lucena...
February 22, 2021
Comelec Lucena (Photo from PIO Lucena) |
Upang makapagbigay ng karagdagang impormasyon hinggil sa kahalagahan ng pagboto ngayong papalapit na ang susunod na halalan, nagsakatuparan ng isang voters’ education seminar ang Comelec Lucena kamakailan.
Ang isinagawang seminar ay para sa mga miyembro ng pederasyon ng Sangguniang kabataan ng Lungsod sa pangunguna ng presidente nito na si Konsehal Patrick Norman Nadera na may temang “Ako:Ikaw at ang Halalan”.
Dito ay tinalakay ng pangunahing tagapagsalita na si City Election Officer Atty. Ana Mei Barbacena ang "Women's Empowerment", "Irehistro", at "Voters Online Certification".
Pahayag ni Barbacena, ang mga nagnanais na maging botante para sa May 2022 national and local na eleksyon ay maaari ng mag fill-up ng form para sa voters’ registration online. Ito ay sa pamamagitan aniya ng iRehistro ng Commission on Election.
Ngunit binigyang diin nito na ang pag fill-up ng online form ay hindi nangangahulugang rehistradong botante na ang isang indibidwal, kinakailangan pa rin umanong personal na pumunta sa lokal na tanggapan ng Comelec at magsumite ng mga dokumento dahil dito aniya makukumpleto ang proseso ng aplikasyon.
Para naman sa Voters’ Online Certification, paliwanag ni Barbacena, mayroon ng online application para makakuha ng nito.
Kinakailangan lamang aniyang i-click ang link na matatagpuan sa kanilang facebook page.
Binigyang diin pa nito na ang naturang link na magdidirekta sa isang website para sa Voters’ Certification Request Form ay para lamang sa mga aktibong botante ng lungsod.
Maliban naman sa mga nabanggit na paalala, tinalakay din sa seminar ang kahalagahan ng papel ng mga kabataan sa darating na eleksyon gayundin ang importansya ng pagboto.
Ayon kay Barbacena, ang pagboto umano kasi ay isang karapatang pantao. Ito ang nagbibigay ng kapangyarihan sa mga Pilipino na makapamili ng mga mamumuno sa bayan.
Kaya naman aniya mahalagang makapagparehistro ang bawat isang nasa tamang edad na upang magamit ng mga ito ang karapatang makaboto.
Dito naman pumapasok ang gampanin ng sangguniang kabataan ng Lungsod kung saan ay sa pamamagitan ng mga ito ay maikakalap sa bawat kabataang Lucenahin ang kahalagahang mapakinggan ang kani-kanilang boses sa pamamagitan ng pagboto.
Sa huli ay inaasahan ng tanggapan na magiging katuwang nila ang mga lider kabataan ng bawat barangay sa Lungsod upang maipaabot ang mga kaalamang kanilang natutunan sa isingawang seminar sa mga kabataang Lucenahin.
Kasama ang pahayag na “Ako:Ikaw para sa makabuluhang Halalan”.
No comments