by DENR-CALABARZON February 17, 2021 Ang open dumpsite sa Sto. Tomas na isa sa dal...
February 17, 2021
Ang open dumpsite sa Sto. Tomas na isa sa dalawang dumpsites sa Batangas na ipinasara ng DENR-noong 25 Enero alinsunod sa kautusan ni DENR Sec. Roy A. Cimatu na pagsasara sa lahat ng dumpsites sa bansa bago dumating ang Marso 2021. (Larawan mula sa DENR-CALABARZON) |
LUNGSOD NG CALAMBA, Laguna - Nagsimula ng ipasara ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) CALABARZON ang mga open dumpsites sa rehiyon alinsunod sa kautusan ni DENR Sec. Roy A. Cimatu na ipasara ang lahat ng open dumpsites sa lahat ng rehiyon bago mag-Marso 2021.
Alinsunod dito, ang DENR CALABARZON, kasama ang Environmental Management Bureau (EMB) 4A ay nag-isyu ng Cease and Desist Order (CDO) sa dalawang open dumpsites sa Batangas, noong nakaraang Enero 25, 2021 dahil sa paglabag sa Batas Republika (RA Ingles) Blg. 9003 o ang Ecological Solid Waste Management (ESWM) Act of 2000.
Ayon sa nasabing batas, ang open dumpsite ay lugar kung saan ang mga basura ay denideposito ng walang maayos na proseso at maaaring makaapekto sa kalikasan at sa kalusugan. Nakasaad sa BR 9003 ang mahigpit na pagbabawal sa operasyon ng mga open dumpsite para tapunan ng mga basura.
Sinabi ni DENR CALABARZON Regional Executive Director Nonito M. Tamayo na mas paiigtingin pa ang pakikipagtulungan ng Ahensiya sa iba’t ibang lokal na pamahalaan para sa mas pinatibay na implementasyon ng BR Blg. 9003. Alinsabay ang patuloy na pagsasagawa ng mga clean-up activity at mga Information, Education, and Communication (IEC) Campaign.
Dagdag pa rito, madiin ding hinikayat ni RED Tamayo ang pakikiisa ng bawat isa para mabawasan ang basura na nakokolekta sa mga kabahayan sa pamamagitan ng pakikiisa sa ESWM, katulad ng paghihiwalay, pagreresiklo, at patuloy na pagbabawas ng basura.
Isa pang operasyon ang isinagawa noong 14 Enero sa isang dumpsite sa Sahud Ulan, Tanza, Cavite. Ito ay pinangunahan nina Undersecretary for Solid Waste Management and Local Government Units Concerns Benny Antiporda, Executive Director ng Task Force Nilo B. Tamoria, Cavite PENR Officer Ronita Unlayao, at iba pang opisyal ng EMB 4A.
Samantala, hinihikayat ng DENR CALABARZON ang publiko na magsumbong ng ilegal na gawain na may kaugnayan sakalikasan. Lahat ay maaaring tumawag o magbigay ng mensahe sa 8888 hotline numero 09561825774/ 09198744369, o ipadala sa email r4a@denr.gov.ph Ang mga retrato, bidyo, at iba pang impormasyon ay maaari ring ipadala sa opisyal na Facebook page ng DENR CALABARZON: https://www.facebook.com/DENR4AOfficial/
No comments